Sinabi niya na darami ang aking mga anak at ang aking lahi ay magiging isang malaking bansa, at ibibigay niya sa kanila ang lupaing iyon habang panahon.
Ang dalawa mong anak na isinilang dito sa Egipto bago ako dumating ay ibibilang sa aking mga anak. Kaya, tulad nina Ruben at Simeon, sina Efraim at Manases ay magiging tagapagmana ko rin.
Ipinasiya ko ito alang-alang kay Raquel na iyong ina. Nang pabalik ako buhat sa Mesopotamia, namatay siya sa Canaan, malapit sa Efrata. At dinamdam ko nang labis ang kanyang pagpanaw. Doon ko na siya inilibing.” (Ang Efrata ay tinatawag ngayong Bethlehem.)
At sila'y binasbasan, “Pagpalain nawa kayo at palaging subaybayan, ng Diyos na pinaglingkuran ni Isaac at ni Abraham; ng Diyos na sa aki'y nangalaga't pumatnubay, simula sa pagkabata't magpahanggang ngayon man.
At pati na ang anghel na sa akin ay nagligtas, pagpalain nawa kayo, tanggapin ang kanyang basbas; maingatan nawa ninyo at taglayin oras-oras ang ngalan ko, at ang ngalan ni Abraham at ni Isaac. Nawa kayo ay lumago, dumami at lumaganap.”
Ngunit sinabi ni Jacob, “Alam ko iyan, anak, alam ko. Alam kong magiging dakila si Manases, pati ang kanyang mga anak, ngunit lalong magiging dakila ang nakababata niyang kapatid. Ang kanyang lahi ay magiging dakilang mga bansa.”
Sinabi pa niya ito: “Ang mga Israelita, sa Diyos ay hihilingin, dahil kayo'y pinagpala, sila ma'y pagpalain din. Sa kanilang kahilingan, ganito ang sasabihin: ‘Kayo nawa ay matulad kay Efraim at Manases.’” Sa ganitong paraan ginawa ni Jacob na una si Efraim kay Manases.
Pagkatapos nito, sinabi ni Israel, “Jose, ako'y mamamatay na ngunit huwag kang mababahala. Sasamahan ka ng Diyos at kayo'y ibabalik niya sa lupain ng inyong mga ninuno.