Nang sumunod na araw, dumating buhat sa labanan ang isang lalaking punit ang kasuotan at puno ng alikabok ang ulo. Lumapit ito kay David at nagpatirapa bilang pagbibigay-galang.
“Bakit? Ano bang nangyari?” tanong ni David. “Umatras po sa labanan ang hukbo at maraming mga kawal ang napatay. Napatay rin po ang mag-amang Saul at Jonatan,” sagot ng lalaki.
Isinalaysay ng lalaki ang pangyayari. “Nagkataon pong ako'y nasa Bundok ng Gilboa. Nakita ko pong hinahabol si Haring Saul ng mga kaaway sakay ng mga karwahe at kabayo. Noon po'y nakasandal siya sa kanyang sibat.
Lumapit naman po ako at pinatay ko nga siya, sapagkat alam kong hindi na rin siya mabubuhay pa dahil sa kanyang tama. Pagkatapos, kinuha ko ang kanyang korona at ang pulseras sa kanyang braso. Heto po't dala ko para sa inyo, panginoon.”
Tumangis sila, nag-ayuno at nagluksa hanggang gabi, sapagkat si Saul, ang anak nitong si Jonatan, at ang iba pang lingkod ni Yahweh sa bansang Israel ay nasawi sa labanan.
At sa harap ng bangkay ay sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa iyong pagkamatay sapagkat hinatulan mo ang iyong sarili nang sabihin mong pinatay mo ang haring pinili ni Yahweh.”
Dapat itong ilihim, hindi dapat ipaalam, lalo sa Gat, at Ashkelon, sa liwasan at lansangan; kung ito ay mababatid, tiyak na magdiriwang, ang mga Filisteong mga Hentil ang magulang.
“Ang lupain ng Gilboa, ang iyong mga bundok, hindi na dapat ulanin, ni bigyan kahit hamog, mga bukid mo'y hindi na makapaghandog. Pagkat sandata ni Saul ay sa iyo nadungisan, na dati-rating makintab, ngayo'y balot ng kalawang.
“Si Saul at si Jonatan ay ulirang mag-ama, sa buhay at kamatayan ay palaging magkasama. Bilis nila'y higit pa sa agila, higit pa kaysa leon ang lakas na taglay nila.
“Sa pagpanaw mo, kapatid kong Jonatan, ngayon ako'y nagluluksa, pagkat ikaw ay mahal ko at sa iyo'y humahanga. Ang pag-ibig na ukol mo sa akin ay pambihira, mahigit pa sa pag-ibig ng babaing minumutya.