Kaya sinabi ni Jeroboam sa asawa niya, “Pumunta ka sa Shilo, magbalat-kayo ka para walang makakilala sa iyo na asawa kita. Naroon si Ahia, ang propeta na nagsabi sa akin na magiging hari ako ng Israel.
Pumunta ka sa kanya at magdala ng mga regalo na sampung tinapay, mga pagkain, at isang garapong pulot dahil sasabihin niya sa iyo kung ano ang mangyayari sa anak natin.”
Pero sinabi ng Panginoon kay Ahia, “Papunta rito ang asawa ni Jeroboam na nagbalat-kayo para hindi makilala. Magtatanong siya sa iyo tungkol sa anak niyang may sakit, at sagutin mo siya ng sasabihin ko sa iyo.”
Nang marinig ni Ahia na papasok siya sa pintuan, sinabi ni Ahia, “Halika, pumasok ka. Alam kong asawa ka ni Jeroboam. Bakit ka nagbabalat-kayo? May masamang balita ako sa iyo.
Umuwi ka at sabihin mo kay Jeroboam na ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Ikaw ang pinili ko sa lahat ng tao para gawing pinuno ng mga mamamayan kong Israelita.
Kinuha ko ang kaharian sa pamilya ni David at ibinigay sa iyo. Pero hindi ka katulad ni David na lingkod ko. Tinupad niya ang mga utos ko, sumunod siya sa akin nang buong puso, at gumawa ng matuwid sa aking paningin.
Mas masama ang ginawa mo kaysa sa ginawa ng mga pinunong nauna sa iyo. Itinakwil mo ako at ipinagpalit sa pamamagitan ng pagpapagawa ng mga dios-diosang gawa sa metal.
Dahil dito, padadalhan ko ng kapahamakan ang sambahayan mo. Papatayin ko ang lahat ng lalaki, alipin man o hindi. Wawasakin ko nang lubusan ang sambahayan mo tulad ng dumi na sinunog at walang natira.
Ang mga miyembro ng sambahayan mo na mamamatay sa lungsod ay kakainin ng mga aso, at ang mamamatay sa bukid ay kakainin ng mga ibon.’ Mangyayari ito dahil Ako, ang Panginoon, ang nagsabi nito.”
Ipagluluksa siya ng buong Israel at ililibing. Siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang maililibing ng maayos, dahil siya lang sa sambahayan ni Jeroboam ang kinalugdan ng Panginoon, ang Dios ng Israel.
Parurusahan ng Panginoon ang Israel hanggang sa manginig ito tulad ng talahib na humahapay-hapay sa agos ng tubig. Aalisin niya sila sa magandang lupaing ito, na ibinigay niya sa kanilang mga ninuno, at pangangalatin sila sa unahan ng Ilog ng Eufrates dahil ginalit nila siya nang gumawa sila ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera.
Ipinagluksa ng buong Israel ang kanyang anak at inilibing nila ito, ayon nga sa sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Propeta Ahia.
Si Rehoboam na anak ni Solomon ang hari sa Juda, 41 taong gulang siya nang maging hari. Naghari siya sa loob ng 17 taon sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng lahi ng Israel, kung saan pararangalan siya. Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na taga-Ammon.
Gumawa ng kasamaan ang mga mamamayan ng Juda sa paningin ng Panginoon, at mas matindi pa ang galit ng Panginoon sa kanila kaysa sa kanilang mga ninuno, dahil mas matindi ang mga kasalanan nila.
Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar at mga alaalang bato. At nagpatayo sila ng mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ibabaw ng bawat burol at sa lilim ng bawat malalagong punongkahoy.
Bukod pa rito, may mga lalaki at babaeng bayaran sa lugar na pinagsasambahan nila. Gumawa ang mga mamamayan ng Juda ng lahat ng kasuklam-suklam na mga bagay na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
Kinuha niya ang mga kayamanan sa templo ng Panginoon at sa palasyo. Kinuha niya ang lahat, pati na rin ang lahat ng pananggalang na ginto na ipinagawa ni Solomon.
Kaya nagpagawa si Haring Rehoboam ng mga pananggalang na tanso na kapalit ng mga ito, at ipinamahala niya ito sa mga opisyal ng mga guwardya na nagbabantay sa pintuan ng palasyo.
At kapag pupunta ang hari sa templo ng Panginoon, sasama sa kanya ang mga tagapagbantay na dala ang mga pananggalang na ito, at pagkatapos, ibabalik din nila ito sa kanilang kwarto.
Nang mamatay si Rehoboam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. (Ang ina ni Rehoboam ay si Naama na taga-Ammon.) At ang anak niyang si Abijah ang pumalit sa kanya bilang hari.