At siya'y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kanyang ama na ginawa nito na una sa kanya; at ang kanyang puso ay hindi ganap na tapat sa PANGINOON niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.
Gayunma'y alang-alang kay David ay binigyan siya ng PANGINOON niyang Diyos ng isang ilawan sa Jerusalem, inilagay ang kanyang anak pagkamatay niya at pinatatag ang Jerusalem;
sapagkat. ginawa ni David ang matuwid sa mga mata ng PANGINOON, at hindi lumihis sa anumang bagay na iniutos niya sa kanya sa lahat ng araw ng kanyang buhay, maliban lamang ang tungkol kay Urias na Heteo.
Ang iba pa sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Juda? At nagkaroon ng digmaan sina Abiam at Jeroboam.
At si Abiam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Asa na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Maaca na kanyang ina ay inalis rin niya sa pagkareyna, sapagkat siya'y gumawa ng karumaldumal na larawan para kay Ashera; at pinutol ni Asa ang kanyang larawan at sinunog sa batis Cedron.
Kanyang ipinasok sa bahay ng PANGINOON ang mga kusang-loob na kaloob ng kanyang ama, at ang kanyang sariling mga kaloob, pilak, ginto, at mga kagamitan.
Nang magkagayo'y kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng PANGINOON, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kanyang mga lingkod. Ipinadala ang mga iyon ni Haring Asa kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari ng Siria, na nakatira sa Damasco, na sinasabi,
"Magkaroon nawa ng pagkakasundo ako at ikaw, rulad ng aking ama at ng iyong ama. Aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari ng Israel, upang siya'y lumayo sa akin."
Pinakinggan ni Ben-hadad si Haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kanyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at sinakop ang Ijon, Dan, Abel-betmaacah, at ang buong Cinerot, pati ang buong lupain ng Neftali.
Pagkatapos ay nagpahayag si Haring Asa sa buong Juda, walang itinangi, at kanilang inalis ang mga bato at mga kahoy ng Rama, na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at itinayo ni Haring Asa sa pamamagitan niyon ang Geba ng Benjamin at ang Mizpa.
Ang iba pa sa lahat ng mga gawa ni Asa, ang kanyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga hari ng Juda? Ngunit sa panahon ng kanyang katandaan, nagkaroon ng karamdaman ang kanyang mga paa.
At si Asa ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama. Si Jehoshafat na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Baasa na anak ni Ahia, sa sambahayan ni Isacar ay nakipagsabwatan laban sa kanya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibeton, na sakop ng mga Filisteo; sapagkat kinukubkob ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton.
Nang siya'y maging hari, pinagpapatay niya ang buong sambahayan ni Jeroboam. Wala siyang iniwan kay Jeroboam ni isa mang humihinga, hanggang sa kanyang malipol, ayon sa salita ng PANGINOON na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na Shilonita.
Ito ay dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ginawa, at kanyang ibinunsod sa pagkakasala ang Israel at dahil sa kanyang panggagalit sa PANGINOON, ang Diyos ng Israel.
Nang ikatlong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Tirsa, at naghari ng dalawampu't apat na taon.