Ang panganay na anak ni Obed Edom na si Shemaya ay may mga anak na lalaki na may kakayahan at mga pinuno ng kanilang mga pamilya. Silaʼy sina Otni, Refael Obed at Elzabad. Ang kanilang kamag-anak na sina Elihu at Semakia ay may mga kakayahan din.
Iginrupo ang mga guwardya ng mga pintuan ng templo ayon sa pinuno ng kanilang pamilya, at may mga tungkulin sila sa paglilingkod sa templo ng Panginoon, katulad ng kasama nilang mga Levita.
Sa gawing silangan, anim na guwardya ang nagbabantay araw-araw, sa gawing hilaga ay apat, sa gawing timog ay apat din, at sa bawat bodega ay tig-dadalawa.
Si Shelomit at ang kanyang mga kamag-anak ang katiwala sa mga bodega ng mga handog na inialay ni Haring David, ng mga pinuno ng mga pamilya, ng mga kumander ng libu-libo at ng daan-daang sundalo, at ng iba pang mga pinuno.
Si Shelomit din at ang kanyang mga kamag-anak ang nangalaga sa lahat ng mga inihandog ni Samuel na propeta, ni Saul na anak ni Kish, ni Abner na anak ni Ner, at ni Joab na anak ni Zeruya. Ang iba pang mga inihandog ay ipinamahala din nila.
Mula sa mga angkan ni Izar: si Kenania at ang mga anak niyang lalaki, na siyang nangangasiwa at mga hukom sa buong Israel. Hindi sila naglilingkod sa loob ng templo.
Mula sa angkan ni Hebron: si Hashabia at ang 1,700 kamag-anak niya na may mga kakayahan. Pinagkatiwalaan sila na mamahala ng mga lupain sa gawing kanluran ng Ilog ng Jordan. Sila ang nangangasiwa ng mga gawain ng Panginoon at ng hari sa lugar na iyon.
Si Jeria ang pinuno ng angkan ni Hebron ayon sa talaan ng kanilang mga pamilya. Nang ika-40 taon ng paghahari ni David, siniyasat ang mga talaan, at natuklasan na may angkan si Hebron sa Jazer na sakop ng Gilead, at may mga kakayahan sila.
Si Jeria ay may 2,700 kamag-anak na may mga kakayahan at mga pinuno ng mga pamilya. Sila ang pinamahala ni Haring David sa lahi ni Reuben, Gad at sa kalahating lahi ni Manase. Sila ang nangangasiwa sa lahat ng gawain ng Dios at ng hari sa mga lugar na iyon.