Si Reuben ang panganay na anak ni Israel, pero dahil nakipagtalik siya sa isa sa mga asawa ng kanyang ama, ang karapatan niya bilang panganay ay ibinigay sa mga anak ni Jose na kanyang kapatid. Kaya hindi siya inilista sa talaan ng lahi nila bilang panganay na anak.
Kahit mas makapangyarihan si Juda kaysa sa kanyang mga kapatid at ang pinuno ay nagmula sa kanyang lahi, ang karapatan ng pagkapanganay ay ibinigay kay Jose.
Nang si Saul pa ang hari, nakipaglaban sila sa mga Hagreo at tinalo nila ang mga ito. Sinakop nila ang mga tinitirhan ng mga Hagreo sa buong silangan ng Gilead.
Sila ang mga angkan ni Abihail na anak ni Huri. Si Huri ang anak ni Jaroa at apo ni Gilead, at apo sa tuhod ni Micael. Si Micael ay anak ni Jeshishai at apo ni Jado, at apo sa tuhod ni Buz.
May 44,760 sundalo sa mga lahi nina Reuben, Gad, at sa kalahating lahi ni Manase. Sinanay sila para sa labanan at mahusay silang gumamit ng mga pananggalang, espada at pana.
Humingi sila ng tulong sa Dios nang nakipaglaban sila, at dahil nagtiwala sila sa kanya, tinugon ng Dios ang panalangin nila. Kaya pinagtagumpay sila ng Dios sa mga Hagreo at sa mga kakampi nito.
Ang kalahating angkan ni Manase ay napakarami. Tumira sila sa mga lupain mula sa Bashan papunta sa Baal Hermon, Senir, at Bundok ng Hermon. At napakarami nila.
Ito ang mga pinuno ng kanilang mga pamilya: sina Efer, Ishi, Eliel Azriel, Jeremias, Hodavia at Jadiel. Matatapang silang mandirigma at tanyag na mga pinuno ng mga pamilya nila.
Ito ang dahilan kung bakit niloob ng Dios ng Israel na lusubin sila ni Pul na hari ng Asiria (na siya ring si Tiglat Pileser). Binihag ni Pul ang mga lahi ni Reuben at Gad, pati na ang kalahating lahi ni Manase at dinala sa Hala, Habor, Hara, at sa Ilog ng Gozan, kung saan doon sila naninirahan hanggang ngayon.