Nagsalita si Solomon sa buong Israel, sa mga punong kawal ng libu-libo at ng daan-daan, sa mga hukom, at sa lahat ng mga pinuno sa buong Israel, na mga puno ng mga sambahayari.
Si Solomon at ang buong kapulungan na kasama niya ay pumunta sa mataas na dako na nasa Gibeon, sapagkat ang toldang tipanan ng Diyos na ginawa ni Moises na lingkod ng PANGINOON sa ilang ay naroon.
Ngunit ang kaban ng Diyos ay dinala ni David mula sa Kiryat-jearim hanggang sa dakong pinaghandaan ni David para dito sapagkat ito ay kanyang ipinagtayo ng tolda sa Jerusalem.
Bukod dito, ang dambanang tanso na ginawa ni Bezalel na anak ni Uri, na anak ni Hur ay naroon sa harapan ng tabernakulo ng PANGINOON. Doon ay sumangguni sa PANGINOON si Solomon at ang kapulungan.
O PANGINOONG Diyos, matupad nawa ngayon ang iyong pangako kay David na aking ama, sapagkat ginawa mo akong hari sa isang bayan na kasindami ng alabok sa lupa.
Bigyan mo ako ngayon ng karunungan at kaalaman upang ako'y makalabas-masok sa harapan ng bayang ito; sapagkat sinong makakapamahala dito sa iyong bayang napakalaki?"
Sinabi ng Diyos kay Solomon, "Sapagkat ito ay nasa iyong puso, at hindi ka humingi ng ari-arian, kayamanan, karangalan o ng buhay man ng mga napopoot sa iyo, at hindi ka man lamang humingi ng mahabang buhay, kundi humingi ka ng karunungan at kaalaman para sa iyong sarili, upang iyong mapamahalaan ang aking bayan na dito ay ginawa kitang hari,
ang karunungan at kaalaman ay ipinagkakaloob sa iyo. Bibigyan din kita ng kayamanan, ari-arian, at karangalan, na walang haring nauna o kasunod mo ang magkakaroon nang gayon."
Sa gayo'y umalis si Solomon mula sa mataas na dako na nasa Gibeon, mula sa harapan ng toldang tipanan patungo sa Jerusalem. At siya'y naghari sa Israel.
Nagtipon si Solomon ng mga karwahe at mga mangangabayo; siya'y may isang libo at apatnaraang karwahe, labindalawang libong mangangabayo, na kanyang inilagay sa bayan ng mga karwahe, at kasama ng hari sa Jerusalem.
Sila ay umangkat mula sa Ehipto ng isang karwahe sa halagang animnaraang siklong pilak, at ang isang kabayo sa halagang isandaan at limampu. Gayundin, sa pamamagitan nila, ang mga ito ay ipinagbili sa lahat ng mga hari ng mga Heteo, at sa mga hari ng Siria.