|
| 1 |
|
| Sumagot naman si Zofar na isang Naamita, |
|
| 2 |
|
| “Palalampasin na lang ba ang napakarami mong sinabi? Tama ba ang isang tao kapag ito ay maraming salita? |
|
| 3 |
|
| Akala mo ba'y di masasagot ang mga sinabi mo, at sa iyong pangungutya, kami'y di na makapagsasalita? |
|
| 4 |
|
| Ipinipilit mong tama ang iyong paniniwala, at sa harap ng Diyos ika'y malinis na lubos. |
|
| 5 |
|
| Magsalita sana ang Diyos upang ika'y masagot. |
|
| 6 |
|
| Upang masabi sa iyo ang mga lihim ng karunungan, sapagkat napakalalim ng kanyang kaalaman, parusa nga niya sa iyo'y mas maliit kaysa iyong kasalanan. |
|
| 7 |
|
| “Masusukat mo ba ang kapangyarihan ng Diyos? Kanyang kadakilaan, iyo bang maaabot? |
|
| 8 |
|
| Higit itong mataas kaysa kalangitan, at mas malalim kaysa daigdig ng mga patay. |
|
| 9 |
|
| Malawak pa iyon kaysa sanlibutan, higit na malaki kaysa karagatan. |
|
| 10 |
|
| Kung dakpin ka ng Diyos at iharap sa hukuman, mayroon bang sa kanya'y makakahadlang? |
|
| 11 |
|
| Kilala ng Diyos ang taong walang kabuluhan, kitang-kita niya ang kanilang kasamaan. |
|
| 12 |
|
| Ang hangal ay maaaring tumalino kung ang mailap na asno ay ipinanganak nang maamo. |
|
| 13 |
|
| “Ang iyong puso, Job, sa Diyos mo isuko at sa kanya iabot ang mga kamay mo. |
|
| 14 |
|
| Alisin mo ang kasalanan sa iyong mga kamay, linisin mo sa kasamaan ang iyong tahanan. |
|
| 15 |
|
| At taas noo kang haharap sa sanlibutan, matatag ang loob, walang kinatatakutan. |
|
| 16 |
|
| Mga pagdurusa mo ay malilimutan, para lamang itong bahang nagdaan. |
|
| 17 |
|
| Magliliwanag ang iyong buhay, higit pa sa sikat ng araw, ang buhay mong nagdilim ay magbubukang-liwayway. |
|
| 18 |
|
| Papanatag ang buhay mo at mapupuno ng pag-asa; iingatan ka ng Diyos, at bibigyan ng pahinga. |
|
| 19 |
|
| Wala kang kaaway na katatakutan; maraming lalapit sa iyo upang humingi ng tulong. |
|
| 20 |
|
| Ngunit ang masama, kabiguan ang madarama, walang kaligtasan kahit saan sila magpunta, at kamatayan lamang ang kanilang pag-asa.” |
|
|
|
|