|
| 1 |
|
| “Bakit di nagtatakda ang Makapangyarihang Diyos ng araw ng paghuhukom, upang masaksihan ng mga matuwid ang kanyang paghatol? |
|
| 2 |
|
| “Binabago ng mga tao ang hangganan ng mga lupa, nagnanakaw ng mga hayop na iba ang nag-alaga. |
|
| 3 |
|
| Tinatangay nila ang asno ng mga ulila, kinakamkam sa mga biyuda ang bakang isinangla. |
|
| 4 |
|
| Ang mahirap ay itinataboy sa lansangan; at dahil sa takot, naghahanap ito ng taguan. |
|
| 5 |
|
| “Kaya ang dukha, tulad ay asnong mailap, hinahalughog ang gubat, mapakain lang ang anak. |
|
| 6 |
|
| Gumagapas sila sa bukid na hindi kanila, natirang ubas ng mga masasama pinupulot nila. |
|
| 7 |
|
| Kanilang katawan ay walang saplot; sa lamig ng gabi, wala man lamang kumot. |
|
| 8 |
|
| Nauulanan sila doon sa kabundukan; mga pagitan ng bato ang kanilang silungan. |
|
| 9 |
|
| “Inaalipin ng masasama ang mga ulila; mga anak ng may utang, kanilang kinukuha. |
|
| 10 |
|
| Hubad na pinaglalakad ang mga mahirap, labis ang gutom habang sila'y pinapagapas. |
|
| 11 |
|
| Sila ang nagkakatas ng ubas at olibo, ngunit di man lamang makatikim ng alak at langis nito. |
|
| 12 |
|
| Mga naghihingalo at mga sugatan, sa loob ng lunsod ay nagdadaingan, ngunit di pa rin pansin ng Diyos ang kanilang panawagan. |
|
| 13 |
|
| “May mga taong nagtatakwil sa liwanag; di nila ito maunawaan, patnubay nito'y ayaw sundan. |
|
| 14 |
|
| Bumabangon ang mamamatay-tao sa madaling araw, at ang kawawang dukha'y kanyang pinapaslang. Pagsapit naman ng gabi, siya ay nagnanakaw. |
|
| 15 |
|
| Ang nakikiapid ay naghihintay na dumilim, nagtatakip ng mukha upang walang makapansin. |
|
| 16 |
|
| Kung gabi naman sumasalakay ang mga magnanakaw; ayaw nila sa liwanag kaya't nagtatago pagsikat ng araw. |
|
| 17 |
|
| Liwanag ng araw ay kanilang kinatatakutan, ngunit di sila nasisindak sa matinding kadiliman.” |
|
| 18 |
|
| Sinabi ni Zofar, “Ang masamang tao'y tinatangay ng baha, sinumpa ng Diyos ang kanilang lupa; sa ubasan nila'y ni walang mangahas magsaka. |
|
| 19 |
|
| Kung paanong ang yelo ay natutunaw sa tag-init, gayundin ang masama, naglalaho sa daigdig. |
|
| 20 |
|
| Kahit ang kanyang ina sa kanya'y nakakalimot; parang punong nabuwal, inuuod at nabubulok. |
|
| 21 |
|
| Pagkat inapi niya ang babaing di nagkaanak, at ang mga biyuda ay kanyang hinamak. |
|
| 22 |
|
| Winawasak ng Diyos ang buhay ng malalakas; kapag siya ay kumilos, ang masama'y nagwawakas. |
|
| 23 |
|
| Hayaan man ng Diyos na mabuhay ito nang tiwasay, sa bawat sandali, siya'y nagbabantay. |
|
| 24 |
|
| Umunlad man ang masama, ngunit panandalian lamang, natutuyo ring tulad ng damo at halaman, parang bungkos ng inani na binunot sa taniman. |
|
| 25 |
|
| Kasinungalingan ba ang sinasabi ko? Sinong makapagpapatunay na ito'y di totoo?” |
|
|
|
|