|
| 1 |
|
| “Ngayon ako'y kinukutya na ng mga kabataan, na mga anak ng mga taong di ko pinayagan na sumama sa mga asong nagbantay sa aking kawan. |
|
| 2 |
|
| Mga bisig nila ay hindi ko inasahan, walang gawaing kanilang nakayanan. |
|
| 3 |
|
| Sa gitna ng gutom at kasalatan, kanilang kinakain mga tuyong ugat sa ilang. |
|
| 4 |
|
| Nangunguha sila ng usbong ng halaman sa dawagan, at ugat ng mga tambo ang panlaman nila sa tiyan. |
|
| 5 |
|
| Ang mga taong ito'y itinakwil ng lipunan, at ang turing sa kanila'y mistulang mga tulisan. |
|
| 6 |
|
| Mga kuweba't mga kanal ang kanilang tinitirhan, ang iba nama'y sa lungga, at ang iba'y sa batuhan. |
|
| 7 |
|
| Ungol nila'y naririnig mula roon sa dawagan, sila'y nagyayakap-yakap sa gitna ng katinikan. |
|
| 8 |
|
| Sila'y parang mga yagit na walang kabuluhan pagkat mula sa lupain, sila'y ipinagtatabuyan. |
|
| 9 |
|
| “Ngayo'y ako naman ang kanilang pinagtatawanan, siyang laging binibiro at pinag-uusapan. |
|
| 10 |
|
| Kinukutya nila ako at kanilang iniiwasan, at di nag-aatubiling ako'y kanilang duraan. |
|
| 11 |
|
| Pagkat inalis ng Diyos ang lakas ko at kakayahan, kaya naman ako'y kanilang nilalapastangan. |
|
| 12 |
|
| Sinalakay nila ako nang walang pakundangan, hinahabol nila ako upang tapusin nang tuluyan. |
|
| 13 |
|
| Pilit akong sinusukol upang ako'y pahirapan, sa ginagawa nila'y wala man lang humadlang. |
|
| 14 |
|
| Isang pader na may bitak ang katulad ng aking buhay, sinalakay nila ako at tinapak-tapakan. |
|
| 15 |
|
| Ang buo kong pagkatao ay nilukuban ng takot, dangal ko'y naglaho parang bulang pumutok, at ang aking kasaganaan, parang ulap na sumabog. |
|
| 16 |
|
| ‘Halos mapatid na ang aking hininga, hindi na maibsan ang hirap kong dala. |
|
| 17 |
|
| Sa buong magdamag, mga buto ko ay masakit, ginhawa'y di madama kahit isang saglit. |
|
| 18 |
|
| Hinablot ng Diyos ang aking kasuotan, at ako'y kaawa-awang kanyang kinwelyuhan. |
|
| 19 |
|
| Pagkatapos noon, ako'y kanyang inihagis lumubog sa putik, parang isang yagit. |
|
| 20 |
|
| “Di mo pinakinggan, O Diyos, ang aking pagdaing, aking panalangin, hindi mo man lang pinansin. |
|
| 21 |
|
| Bakit ako'y iyong pinagmamalupitan, at pinag-uusig ng iyong buong kapangyarihan? |
|
| 22 |
|
| Bakit hinayaang ang buhay kong angkin, bayuhin ng bagyo at malalakas na hangin? |
|
| 23 |
|
| Alam kong dadalhin mo ako sa kamatayan, na huling hantungan ng bawat nilalang. |
|
| 24 |
|
| Taong bumagsak, bakit mo pa pinahihirapan, wala naman siyang magagawa kundi magmakaawa lamang? |
|
| 25 |
|
| Di ba ako ay dumamay sa mga nangangailangan, at nagmalasakit din sa mahirap ang kabuhayan? |
|
| 26 |
|
| Tuwa at liwanag ang aking inaasahan; subalit ang dumating ay hirap at kadiliman. |
|
| 27 |
|
| Kahirapan at sakit ang kayakap ko sa buhay, at siyang nakakasama sa bawat araw. |
|
| 28 |
|
| Ang landas ko ay madilim at walang kapanatagan; ako'y nagmamakaawa sa lahat kong kababayan. |
|
| 29 |
|
| Ang tinig ko'y walang sigla at namamalat, parang boses ng uwak at ng asong gubat. |
|
| 30 |
|
| Ang balat ko'y nangingitim at natutuklap, sagad hanggang buto itong aking lagnat. |
|
| 31 |
|
| Ang dati kong naririnig ay masasayang tugtugan, ngayo'y tunog ng pagluluksa at pag-iiyakan. |
|
|
|
|