|
| 1 |
|
| Kinakabahan ako kapag bumabagyo, at hindi ko malaman ang gagawin ko. |
|
| 2 |
|
| Pakinggan ninyo ang tinig ng Diyos mula sa bibig niya'y nanggagaling ang kulog. |
|
| 3 |
|
| Ang kidlat ay kanyang pinaguguhit sa kalangitan, mula sa isang panig ng daigdig hanggang sa kasuluk-sulukan. |
|
| 4 |
|
| Tinig niya'y umuugong, parang dagundong ng kulog, ang pagguhit ng kidlat ay hindi malagut-lagot. |
|
| 5 |
|
| Sa isang salita niya'y may nangyayaring kababalaghan, kahanga-hangang bagay na di natin mauunawaan. |
|
| 6 |
|
| Pinauulan niya ng yelo sa ibabaw ng daigdig, ibinubuhos niya sa lupa ang ulang walang patid. |
|
| 7 |
|
| Pinahihinto niya ang tao sa kanilang gawain, upang malaman nila kung ano'ng kaya niyang gawin. |
|
| 8 |
|
| Ang maiilap na hayop ay nasa kanilang mga taguan. |
|
| 9 |
|
| Ang malalakas na hangi'y sa timog nagmumula, at ang malamig na simoy ay galing sa hilaga. |
|
| 10 |
|
| Sa hininga ng Diyos nabubuo itong tubig, nagiging yelong matigas at napakalamig. |
|
| 11 |
|
| Pinabibigat niya itong mga ulap, mula rito'y pinaguguhit ang mga kidlat. |
|
| 12 |
|
| Ito'y bilang pagsunod sa utos ng ating Diyos, sumusunod kahit saang panig nitong sansinukob. |
|
| 13 |
|
| Ang ulang ibinubuhos ng dakilang Diyos, maaaring parusa o kagandahang-loob. |
|
| 14 |
|
| “Tumigil ka sandali, Job, at iyong isipin, ang mga gawa ng Diyos na walang kahambing. |
|
| 15 |
|
| Alam mo ba kung paano niya inuutusan, na maglabasan ang kidlat sa kalangitan? |
|
| 16 |
|
| Alam mo ba kung bakit ang ulap ay lumulutang? Iyan ay gawa ng makapangyarihan niyang kamay. Tunay at ganap ang kanyang kaalaman. |
|
| 17 |
|
| Hindi mo nga alam! Sapagkat nadarama mo lamang ang matinding init, kapag ang hanging habagat ay umiihip. |
|
| 18 |
|
| Tulad ng ginawa niya, ang langit ba'y iyong mailalatag na parang metal na makinis at matigas? |
|
| 19 |
|
| Ituro mo sa amin ang dapat sabihin sa Diyos, isip nami'y walang laman, pang-unawa'y kapos. |
|
| 20 |
|
| Ang makipag-usap sa Diyos ay di ko na hahangarin, bakit bibigyan ko siya ng pagkakataong ako ay puksain? |
|
| 21 |
|
| “Ngayon ang langit ay nalinis na ng hangin, at nakakasilaw ang kanyang luningning. |
|
| 22 |
|
| May malagintong kaningningan sa gawing hilaga, iyon ay kaluwalhatian ng Diyos na dakila. |
|
| 23 |
|
| Ang Diyos ay tunay na makapangyarihan, kaya walang makalapit sa kanyang kinalalagyan. Siya ay tapat at makatarungan sa pakikitungo sa sangkatauhan. |
|
| 24 |
|
| Di kataka-takang siya'y iginagalang ng lahat, at di niya pinapansin ang mga nagkukunwaring mauutak.” |
|
|
|
|