|
| 1 |
|
| Pagkatapos nito, sumagot ang Diyos kay Job sa pamamagitan ng malakas na bagyo, |
|
| 2 |
|
| “Sino kang mag-aalinlangan sa aking kaalaman? Lalo lamang lumilitaw ang iyong kamangmangan. |
|
| 3 |
|
| Tumayo ka riyan at magpakalalaki, tanong ko'y sagutin, ikaw ay magsabi. |
|
| 4 |
|
| Nasaan ka nang likhain ko ang mundo? Kung talagang may alam ka, lahat ay sabihin mo. |
|
| 5 |
|
| Sino ang nagpasya tungkol sa lawak nito? Sino ang sumukat, alam mo ba ito? |
|
| 6 |
|
| Sino ang may hawak ng mga haligi ng mundo? Sino ang naglagay ng mga panulukang-bato? |
|
| 7 |
|
| Noong umagang iyon, ang mga bitui'y nag-awitan, at mga nilalang sa langit, sa tuwa'y nagsigawan. |
|
| 8 |
|
| “Sino ang humarang sa agos ng dagat, nang mula sa kalaliman ito'y sumambulat? |
|
| 9 |
|
| Tinakpan ko ang dagat ng ulap na makapal, at binalutan ito ng kadiliman. |
|
| 10 |
|
| Ang dagat ay nilagyan ko ng hangganan, upang ito'y manatili sa likod ng mga harang. |
|
| 11 |
|
| Sinabi kong sila'y hanggang doon na lang, at huwag lalampas ang alon na naglalakihan. |
|
| 12 |
|
| Job, nakalikha ka ba kahit isang bukang-liwayway? |
|
| 13 |
|
| Ang daigdig ba ay naigawa mo ng tanglaw, upang ang masasama'y mabulabog sa taguan? |
|
| 14 |
|
| Malinaw na gaya ng tatak sa putik, nang makulayan ay tumingkad gaya ng damit. |
|
| 15 |
|
| Masasamang tao'y nasisilaw sa liwanag ng araw, sa paggawa ng karahasan sila'y napipigilan. |
|
| 16 |
|
| “Nakapunta ka na ba sa mga bukal ng karagatan? Ang sahig ng dagat ay iyo bang nalakaran? |
|
| 17 |
|
| May nakapagturo na ba sa iyo sa mga pintuan na pasukan tungo sa madilim na daigdig ng mga patay? |
|
| 18 |
|
| Alam mo ba kung gaano kalaki itong mundo? Sumagot ka kung alam mo. |
|
| 19 |
|
| “Alam mo ba kung saan nanggagaling ang liwanag, at ang kadiliman, saan ba ito nagbubuhat? |
|
| 20 |
|
| Masasabi mo ba kung hanggang saan dapat makarating, at mula doon sila'y iyong pabalikin? |
|
| 21 |
|
| Ikaw ay matanda na, baka nga iyong kaya, pagkat nang likhain ang daigdig, ikaw ay nariyan na! |
|
| 22 |
|
| “Napuntahan mo na ba ang aking mga imbakan ng niyebe at ng yelong ulan? |
|
| 23 |
|
| Ang mga ito'y aking inilalaan, sa panahon ng digmaan at ng kaguluhan. |
|
| 24 |
|
| Nakapunta ka na ba sa sikatan ng araw, o sa pinagmumulan ng hanging silangan? |
|
| 25 |
|
| “Sino nga ba ang humukay ng daanan ng baha? Ang landas ng kulog ay sino ang gumawa? |
|
| 26 |
|
| Sino ang nagbibigay ng ulan sa disyerto, kahit na doo'y wala namang nakatirang tao? |
|
| 27 |
|
| Sino ang dumidilig sa tigang na lupa, upang dito'y tumubo ang damong sariwa? |
|
| 28 |
|
| Ang ulan ba o ang hamog ay mayroong ama? |
|
| 29 |
|
| Ang yelong malamig, mayroon bang ina? Sino nga kaya ang nagsilang sa kanila? |
|
| 30 |
|
| Sa labis na lamig, tubig ay tumitigas, nagiging parang bato ang ibabaw ng dagat. |
|
| 31 |
|
| “Ang Pleyades ba'y iyong matatalian, o ang Orion kaya'y iyong makakalagan? |
|
| 32 |
|
| Mapapatnubayan mo ba ang mga bituin, o maituturo ang daan ng malaki't maliit na diper? |
|
| 33 |
|
| Alam mo ba ang mga batas sa langit, ito ba'y maiaangkop mo sa daigdig? |
|
| 34 |
|
| “Ang mga ulap ba'y iyong mauutusan upang sa lupa ay magbuhos ng malakas na ulan? |
|
| 35 |
|
| Mauutusan mo ba ang kidlat na ito'y kumislap, sumunod naman kaya sa iyong mga atas? |
|
| 36 |
|
| Sino ang nagsasabi sa ibong Ibis kung kailan tataas ang Ilog Nilo, at sino ang nagpapabatid sa tandang upang ibadya ang pagdating ng bukang-liwayway? |
|
| 37 |
|
| Sinong makakabilang sa ulap na makapal, o makakapagtaob nito upang bumuhos ang ulan? |
|
| 38 |
|
| Ang ulan na sa alabok ay babasa, kapag iyon ay natuyo, magiging matigas na lupa. |
|
| 39 |
|
| “Maihahanap mo ba ng pagkain ang mga leon, upang mapawi ang kanilang gutom? |
|
| 40 |
|
| Habang sila'y naroon sa kanilang taguan, at wari bang pagkai'y kanilang hinihintay? |
|
| 41 |
|
| Sino ang nagbibigay ng pagkain sa mga ibon, sino ang bumubusog sa kanilang inakay na nagugutom? |
|
|
|
|