|
| 1 |
|
| Sinabi ni Elifaz na Temaneo, |
|
| 2 |
|
| “Huwag mo sanang ikasamâ ng loob ang aking sasabihin, di ko na kayang manahimik, di na ako makapagpigil. |
|
| 3 |
|
| Marami na ring tao ang iyong naturuan, at mahihinang kamay ay iyong natulungan. |
|
| 4 |
|
| Salita mo'y nagpalakas sa nanlulupaypay, sa mahina't pagod pangaral mo'y umalalay. |
|
| 5 |
|
| Ngayong ikaw na ang dumaranas ng matinding kahirapan, nawawalan ka ng pag-asa at parang nais mong mabuwal? |
|
| 6 |
|
| Di ba't may takot ka sa Diyos at masunurin sa kanya? Kaya dapat magtiwala ka at magkaroon ng pag-asa. |
|
| 7 |
|
| “Isipin mong mabuti: mayroon bang walang sala na napahamak ang buhay, mayroon bang mabuting tao na dumanas ng kasawian? |
|
| 8 |
|
| Ang alam ko'y ang mga naghahasik ng kasamaan ay sila ring nag-aani ng kaguluhan. |
|
| 9 |
|
| Kaya naman ang Diyos sa tindi ng galit sa kanila, parang dinaanan ng bagyo sila'y pinupuksa niya. |
|
| 10 |
|
| Mga masasamang tao'y parang leong umuungal, ngunit pinatatahimik sila ng Diyos, ngipin nila'y tinatanggal. |
|
| 11 |
|
| Para silang leong walang mabiktima, namamatay sa gutom, at nagkakawatak-watak ang mga anak nila. |
|
| 12 |
|
| “Minsan, ako ay may narinig, salitang ibinulong sa aking pandinig. |
|
| 13 |
|
| Sa lalim ng hatinggabi parang ako'y nanaginip kung kailan ang tao'y mahimbing na naiidlip. |
|
| 14 |
|
| Ako'y sinakmal ng matinding takot, ako'y kinilabutan at nangatog ang tuhod. |
|
| 15 |
|
| Malamig na hangin, dumampi sa mukha ko, sa takot ay nagtayuan ang aking balahibo. |
|
| 16 |
|
| May nakita akong doon ay nakatayo, ngunit di ko mapagwari ang kanyang anyo. Maya-maya, narinig ko ang isang tinig: |
|
| 17 |
|
| ‘Maaari bang maging matuwid ang isang tao sa paningin ng Diyos? Sa harap ng Lumikha, mayroon bang malinis ang loob? |
|
| 18 |
|
| Mga lingkod niya sa langit di niya pinagkakatiwalaan, sa kanya mismong mga anghel may nakikita siyang kamalian. |
|
| 19 |
|
| Paano pa siya magtitiwala sa taong mula sa alabok? Tulad ng gamu-gamo, ito ay marupok. |
|
| 20 |
|
| Ang tao'y buháy ngayon, ngunit hindi tiyak kung mamaya; siya pala ay patay na, di pa alam nitong madla. |
|
| 21 |
|
| Ang lahat niyang taglay sa kanya'y mawawala, sa kanyang pagkamatay kulang pa rin sa unawa.’ |
|
|
|
|