|
| 1 |
|
| "Tumawag ka ngayon; may sasagot ba sa iyo? At kanino sa mga banal ka babaling? |
|
| 2 |
|
| Tunay na pinapatay ng pagkayamot ang taong hangal, at pinapatay ng panibugho ang mangmang. |
|
| 3 |
|
| Nakakita na ako ng hangal na nag-uugat, ngunit bigla kong sinumpa ang kanyang tirahan. |
|
| 4 |
|
| Ang mga anak niya ay malayo sa kaligtasan, sila'y dinudurog sa pintuan at walang magligtas sa kanila isa man. |
|
| 5 |
|
| Ang kanyang ani ay kinakain ng gutom, at kinukuha niya ito maging mula sa mga tinik, at ang bitag ay naghahangad sa kanilang kayamanan. |
|
| 6 |
|
| Sapagkat ang paghihirap ay hindi nanggagaling sa alabok, ni ang kaguluhan ay sumisibol man sa lupa; |
|
| 7 |
|
| kundi ang tao ay ipinanganak tungo sa kaguluhan, kung paanong ang siklab, sa itaas ay pumapailanglang. |
|
| 8 |
|
| "Ngunit sa ganang akin, ang Diyos ay aking hahanapin, at sa Diyos ko ipagkakatiwala ang aking usapin, |
|
| 9 |
|
| na siyang gumagawa ng mga dakilang bagay at hindi maintindihan, mga kamanghamanghang bagay na hindi mabilang, |
|
| 10 |
|
| nagbibigay siya ng ulan sa lupa, at nagdadala ng tubig sa mga bukid; |
|
| 11 |
|
| kanyang itinataas ang mga mapagpakumbaba, at ang mga tumatangis ay itinataas sa katiwasayan. |
|
| 12 |
|
| Kanyang binibigo ang mga pakana ng tuso, anupa't ang kanilang mga kamay ay hindi nagkakamit ng tagumpay. |
|
| 13 |
|
| Kanyang hinuhuli ang marunong sa kanilang sariling katusuhan; at ang balak ng madaya ay dagling nawawakasan. |
|
| 14 |
|
| Nakakasalubong nila sa araw ang kadiliman, at nangangapa na gaya nang sa gabi kahit katanghalian. |
|
| 15 |
|
| Ngunit siya'y nagliligtas mula sa tabak ng kanilang bibig, at ang maralita mula sa kamay ng makapangyarihan. |
|
| 16 |
|
| Kaya't ang dukha ay may pag-asa, at itinitikom ng kawalang-katarungan ang bibig niya. |
|
| 17 |
|
| "Narito, mapalad ang tao na sinasaway ng Diyos, kaya't huwag mong hamakin ang pagtutuwid ng Makapangyarihan sa lahat. |
|
| 18 |
|
| Sapagkat siya'y sumusugat, ngunit kanyang tinatalian; siya'y nananakit, ngunit nagpapagaling ang kanyang mga kamay. |
|
| 19 |
|
| Ililigtas ka niya mula sa anim na kaguluhan; sa ikapito ay walang kasamaang gagalaw sa iyo. |
|
| 20 |
|
| Sa taggutom ay tutubusin ka niya mula sa kamatayan; at sa digmaan, mula sa tabak na makapangyarihan. |
|
| 21 |
|
| Ikaw ay ikukubli mula sa hagupit ng dila; at hindi ka matatakot sa pagkawasak kapag ito'y dumating. |
|
| 22 |
|
| Sa pagkawasak at taggutom, ikaw ay tatawa, at hindi ka matatakot sa mababangis na hayop sa lupa. |
|
| 23 |
|
| Sapagkat ikaw ay makakasundo ng mga bato sa parang; at ang mga ganid sa parang sa iyo ay makikipagpayapaan. |
|
| 24 |
|
| Malalaman mo na ang iyong tolda ay ligtas, at dadalawin mo ang iyong kulungan, at walang nawawalang anuman. |
|
| 25 |
|
| Malalaman mo rin na ang iyong lahi ay magiging marami, at ang iyong supling ay magiging gaya ng damo sa lupa. |
|
| 26 |
|
| Tutungo ka sa iyong libingan sa ganap na katandaan, gaya ng bigkis ng trigo na dumarating sa giikan sa kanyang kapanahunan. |
|
| 27 |
|
| Narito, siniyasat namin ito; ito ay totoo. Dinggin mo, at alamin mo para sa kabutihan mo." |
|
|
|
|