|
| 1 |
|
| “Sumigaw ka, Job, kung may sasagot sa iyo. Mayroon bang anghel na sa iyo'y sasaklolo? |
|
| 2 |
|
| Ang sama ng loob ay pumapatay sa mga taong hangal. Ang pagkainggit ay kumikitil sa mga taong mangmang. |
|
| 3 |
|
| Nakakita na ako ng mga hangal na panatag kung titingnan, ngunit bigla kong sinusumpa ang kanilang mga tahanan. |
|
| 4 |
|
| Walang matakbuhan ang kanilang mga anak, walang sinuman ang sa kanila'y magligtas. |
|
| 5 |
|
| Ang kanilang ani'y kinakain ng mga gutom, kahit ang nasa tinikan, inaagaw sa kanila. Ninanasa ng mga uhaw ang kayamanan nila. |
|
| 6 |
|
| Ang kahirapa'y hindi sa alabok nagmula, at ang kaguluha'y hindi tumutubo sa lupa. |
|
| 7 |
|
| Tiyak na daranas ng kahirapan ang tao, kung paanong may tilamsik ng apoy sa apuyan. |
|
| 8 |
|
| “Kung ako sa iyo, lalapit ako sa Diyos, at ang aking kalagayan, sa kanya idudulog. |
|
| 9 |
|
| Mga dakilang gawa niya'y di natin mauunawaan, mga kababalaghan niya ay walang katapusan. |
|
| 10 |
|
| Ang lupa'y pinadadalhan niya ng ulan, mga bukiri'y kanyang pinatutubigan. |
|
| 11 |
|
| Ang nagpapakumbaba ay kanyang itinataas, ang mga nalulungkot, kanyang inililigtas. |
|
| 12 |
|
| Mga pakana ng mga tuso'y kanyang sinisira, kaya anumang gawin nila'y wala silang napapala. |
|
| 13 |
|
| Ang mga tuso'y inihuhulog niya sa sarili nilang bitag, kanilang mga pakana'y kaagad nagwawakas. |
|
| 14 |
|
| Di makita ang daan kahit na sa araw, sila'y nangangapa kahit katanghalian. |
|
| 15 |
|
| Ngunit inililigtas ng Diyos ang mga ulila, iniaahon niya sa kaapihan ang mga dukha. |
|
| 16 |
|
| Binibigyan niya ng pag-asa ang mga dukha, pinatatahimik niya ang masasama. |
|
| 17 |
|
| “Mapalad ang taong dinidisiplina ng Diyos na Makapangyarihan, ang pagtutuwid niya sa iyo'y huwag mong ipagdamdam. |
|
| 18 |
|
| Ginagamot niya ang kanyang nasugatan, pinapagaling niya ang kanyang nasaktan. |
|
| 19 |
|
| Sa tuwi-tuwina, paningin niya'y nasa iyo, upang ikaw ay ingatan, laging handang sumaklolo. |
|
| 20 |
|
| Sa panahon ng taggutom, di ka niya pababayaan, at kung sa digmaan ay hindi ka niya iiwan. |
|
| 21 |
|
| Ililigtas ka niya sa dilang mapanira, at di ka matatakot sa kapahamakan. |
|
| 22 |
|
| Kaguluhan at taggutom, iyo lamang tatawanan, at mababangis na hayop, hindi mo katatakutan. |
|
| 23 |
|
| Walang mga bato sa bukid na iyong sasakahin, maiilap na hayop, di ka lalapain. |
|
| 24 |
|
| Magiging ligtas ang iyong tahanan, at ang iyong mga kawan ay hindi mababawasan. |
|
| 25 |
|
| Ang lahi mo ay di mapipigil sa paglaki; tulad ng damo, ang mga supling mo ay darami. |
|
| 26 |
|
| Tatamasahin mo ang mahabang buhay, katulad ng bungang nahinog sa panahon ng anihan. |
|
| 27 |
|
| Ang mga ito'y aming matagal na pinag-aralan, pakinggan mo't alamin pagkat ito'y katotohanan.” |
|
|
|
|