|
| 1 |
|
| Ito naman ang sagot ni Bildad na Suhita: |
|
| 2 |
|
| “Hanggang kailan ka magsasalita ng ganyan, mga salitang parang hangin at walang kabuluhan? |
|
| 3 |
|
| Hindi pinipilipit ng Diyos ang katarungan; hindi binabaluktot ng Makapangyarihan ang katuwiran. |
|
| 4 |
|
| Maaaring nagkasala sa Diyos ang iyong mga anak, kaya't ibinigay niya sa kanila ang parusang nararapat. |
|
| 5 |
|
| Ngunit kung ikaw ay lalapit at makiusap sa Diyos na Makapangyarihan, |
|
| 6 |
|
| kung ikaw ay talagang tapat, at malinis ang kalooban, tutulungan ka ng Diyos; gagantimpalaan at ibabalik niya ang iyong sambahayan. |
|
| 7 |
|
| Maliit na bagay ang mga nawala mong kayamanan, kung ihahambing ang sa iyo'y kanyang ibibigay. |
|
| 8 |
|
| “Alamin mo ang mga nagdaang kasaysayan, itanong sa matatanda ang kaalamang natuklasan. |
|
| 9 |
|
| Buhay nati'y maikli lang, at kaalaman nati'y kulang; parang anino lamang tayong dumaan sa ibabaw ng sanlibutan. |
|
| 10 |
|
| Pakaisipin mo ang kanilang mga aral, ang kanilang sinasabi ay iyong pakinggan. |
|
| 11 |
|
| “Ang halaman sa tubigan ay di mabubuhay, kundi sa matubig at malamig na lugar lamang. |
|
| 12 |
|
| Ito'y unang nalalanta kapag ito ay natuyuan, kahit bagong tubo pa lang at di pa napuputulan. |
|
| 13 |
|
| Ganyan ang katulad ng mga taong walang Diyos, pag-asa ay mawawala kapag ang Diyos ay nilimot. |
|
| 14 |
|
| Ang mga bagay na pinagkakatiwalaan nila'y kasingrupok lamang ng sapot ng gagamba. |
|
| 15 |
|
| Kapag ito'y sinandalan, agad itong nalalagot, kapag ito'y hinawakan, tiyak itong masisira. |
|
| 16 |
|
| “Ang masasamang tao'y parang damong nagsusulputan, tulad ng masamang damong kumakalat sa halamanan. |
|
| 17 |
|
| Bumabalot sa mga bato ang kanilang mga ugat, at sa bawat bato sila'y humahawak. |
|
| 18 |
|
| Ngunit kapag sila'y nabunot sa kinatatamnan, wala nang nakakaalala sa dati nilang kalagayan. |
|
| 19 |
|
| Ganyan ang kasiyahan ng masasamang tao, may iba namang lilitaw at kukuha ng kanilang puwesto. |
|
| 20 |
|
| “Hindi pababayaan ng Diyos ang mabuting tao, ngunit sa masama'y hindi siya sasaklolo. |
|
| 21 |
|
| Patatawanin ka niya at pasisigawin sa tuwa, |
|
| 22 |
|
| ngunit ang mga kaaway mo'y kanyang ipapahiya, at ang tahanan ng masasama ay ganap na mawawala.” |
|
|
|
|