|
| 1 |
|
| Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan, hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang; walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan. |
|
| 2 |
|
| Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa: “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika. |
|
| 3 |
|
| Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin, at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin. |
|
| 4 |
|
| Ginawa sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos, sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos. |
|
| 5 |
|
| Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita, at hindi rin makakita, mga matang pinasadya; |
|
| 6 |
|
| di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga, ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila. |
|
| 7 |
|
| Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam, mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang, ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang. |
|
| 8 |
|
| Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala, lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa. |
|
| 9 |
|
| Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala, siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa. |
|
| 10 |
|
| Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala, siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa. |
|
| 11 |
|
| Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya, siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa. |
|
| 12 |
|
| Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin, pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel; pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin. |
|
| 13 |
|
| Sa lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala, kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila. |
|
| 14 |
|
| Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan, anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang. |
|
| 15 |
|
| Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos, pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob. |
|
| 16 |
|
| Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan, samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay. |
|
| 17 |
|
| Di na siya mapupuri niyong mga taong patay, niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan. |
|
| 18 |
|
| Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat, siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas. Purihin si Yahweh! |
|
|
|
|