|
| 1 |
|
| Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan! Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. |
|
| 2 |
|
| Ang taga-Israel, bayaang sabihi't kanilang ihayag, “Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” |
|
| 3 |
|
| Kayong mga pari ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay: “Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” |
|
| 4 |
|
| Lahat ng may takot kay Yahweh, dapat magpahayag, “Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.” |
|
| 5 |
|
| Nang ako'y magipit, ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag; sinagot niya ako't kanyang iniligtas. |
|
| 6 |
|
| Kung itong si Yahweh ang aking kasama at laging kapiling, walang pagkatakot sa aking darating. |
|
| 7 |
|
| Si Yahweh ang siyang sa aki'y tumutulong laban sa kaaway, malulupig sila't aking mamamasdan. |
|
| 8 |
|
| Higit na mabuti na doon kay Yahweh magtiwala ako, kaysa panaligan yaong mga tao. |
|
| 9 |
|
| Higit ngang mabuting ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay, kaysa pamunuan ang ating asahan. |
|
| 10 |
|
| Sa aking paligid laging gumagala ang mga kaaway, winasak ko sila at lakas ni Yahweh ang naging patnubay. |
|
| 11 |
|
| Kahit saang dako ako naroroon ay nakapaligid, winasak ko sila sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig. |
|
| 12 |
|
| Ang katulad nila ay mga bubuyog na sumasalakay, dagliang nasunog, sa apoy nadarang; winasak ko sila sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang. |
|
| 13 |
|
| Sinalakay ako't halos magtagumpay ang mga kaaway, subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan. |
|
| 14 |
|
| Si Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan; siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan. |
|
| 15 |
|
| Dinggin ang masayang sigawan sa tolda ng mga hinirang: “Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay! |
|
| 16 |
|
| Ang lakas ni Yahweh ang siyang nagdulot ng ating tagumpay, sa pakikibaka sa ating kaaway.” |
|
| 17 |
|
| Aking sinasabing hindi mamamatay, ako'y mabubuhay ang gawa ni Yahweh, taos sa aking puso na isasalaysay. |
|
| 18 |
|
| Pinagdusa ako at pinarusahan nang labis at labis, ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid. |
|
| 19 |
|
| Ang mga pintuan ng banal na templo'y inyo ngayong buksan, ako ay papasok, at itong si Yahweh ay papupurihan. |
|
| 20 |
|
| Pasukan ni Yahweh ang pintuang ito; tanging makakapasok ay matuwid na tao! |
|
| 21 |
|
| Aking pinupuri ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan, dininig mo ako't pinapagtagumpay. |
|
| 22 |
|
| Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay, ang siyang naging batong-panulukan. |
|
| 23 |
|
| Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan. |
|
| 24 |
|
| O kahanga-hanga ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay, tayo ay magalak, ating ipagdiwang! |
|
| 25 |
|
| Kami ay iligtas, tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas! At pagtagumpayin sa layuni't hangad. |
|
| 26 |
|
| Pinagpala ang dumarating sa pangalan ni Yahweh; magmula sa templo, mga pagpapala'y kanyang tatanggapin! |
|
| 27 |
|
| Si Yahweh ang Diyos, pagkabuti niya sa mga hinirang. Tayo ay magdala ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang, at tayo'y lumapit sa dambanang banal. |
|
| 28 |
|
| Ikaw ay aking Diyos, kaya naman ako'y nagpapasalamat; ang pagkadakila mo ay ihahayag. |
|
| 29 |
|
| O pasalamatan ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti; pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman. |
|
|
|
|