|
| 1 |
|
| Mapalad silang sakdal ang landas, na sa kautusan ng PANGINOON ay lumalakad! |
|
| 2 |
|
| Mapalad silang nag-iingat ng kanyang mga patotoo, na hinahanap siya ng buong puso, |
|
| 3 |
|
| na hindi rin gumagawa ng kasamaan, kundi lumalakad sa kanyang mga daan. |
|
| 4 |
|
| Iniutos mo ang iyong mga tuntunin, upang masikap naming sundin. |
|
| 5 |
|
| O maging matatag nawa ang pamamaraan ko sa pag-iingat ng mga tuntunin mo! |
|
| 6 |
|
| Kung gayo'y hindi ako mapapahiya, yamang itinuon ko sa lahat ng iyong mga utos ang aking mga mata. |
|
| 7 |
|
| Pupurihin kita ng may matuwid na puso, kapag aking natutuhan ang matutuwid mong mga batas. |
|
| 8 |
|
| Aking tutuparin ang mga tuntunin mo; O huwag mong ganap na talikuran ako! |
|
| 9 |
|
| Paano pananatilihing dalisay ng kabataan ang kanilang daan? Sa pamamagitan ng pag-iingat nito ayon sa iyong salita. |
|
| 10 |
|
| Hinanap kita nang buong puso ko; O huwag nawa akong maligaw sa mga utos mo! |
|
| 11 |
|
| Iningatan ko ang iyong salita sa aking puso, upang huwag akong magkasala laban sa iyo. |
|
| 12 |
|
| Purihin ka, O PANGINOON; ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin! |
|
| 13 |
|
| Ipinahahayag ng mga labi ko ang lahat ng mga batas ng bibig mo. |
|
| 14 |
|
| Ako'y nagagalak sa daan ng iyong mga patotoo, gaya ng lahat ng kayamanan. |
|
| 15 |
|
| Ako'y magbubulay-bulay sa mga tuntunin mo, at igagalang ang mga daan mo. |
|
| 16 |
|
| Ako'y magagalak sa iyong mga tuntunin; hindi ko kalilimutan ang iyong salita. |
|
| 17 |
|
| Gawan ng mabuti ang iyong lingkod, upang mabuhay ako, at sundin ang salita mo. |
|
| 18 |
|
| Buksan mo ang aking mga mata upang makita ko, ang kahanga-hangang mga bagay sa kautusan mo. |
|
| 19 |
|
| Ako'y isang dayuhan sa lupain, huwag mong ikubli ang mga utos mo sa akin. |
|
| 20 |
|
| Ang puso ko'y nadudurog sa pananabik sa lahat ng panahon sa mga batas mo. |
|
| 21 |
|
| Iyong sinasaway ang mga walang galang, ang mga sinumpa na lumalayo sa iyong mga utos. |
|
| 22 |
|
| Ang paglibak at pagkutya sa akin ay alisin mo, sapagkat iningatan ko ang iyong mga patotoo. |
|
| 23 |
|
| Bagaman ang mga pinuno ay umuupong nagsasabwatan laban sa akin; ang lingkod mo'y magbubulay-bulay sa iyong mga tuntunin. |
|
| 24 |
|
| Aking kasiyahan ang iyong mga patotoo, ang mga iyon ay aking mga tagapayo. |
|
| 25 |
|
| Dumidikit sa alabok ang kaluluwa ko; muli mo akong buhayin ayon sa iyong salita. |
|
| 26 |
|
| Nang ipahayag ko ang aking mga lakad, sinagot mo ako; ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo! |
|
| 27 |
|
| Ipaunawa mo sa akin ang daan ng mga panuntunan mo, at aking bubulay-bulayin ang kahanga-hangang mga gawa mo. |
|
| 28 |
|
| Ang kaluluwa ko'y natutunaw dahil sa kalungkutan; palakasin mo ako ayon sa iyong salita! |
|
| 29 |
|
| Ilayo mo sa akin ang mga maling daan; at malugod na ituro mo sa akin ang iyong kautusan! |
|
| 30 |
|
| Ang daan ng katapatan ay pinili ko, ang mga tuntunin mo'y inilagay ko sa harapan ko. |
|
| 31 |
|
| Ako'y kumapit sa iyong mga patotoo, O PANGINOON; sa kahihiyan ay ilayo mo ako! |
|
| 32 |
|
| Ako'y tatakbo sa daan ng mga utos mo, kapag iyong pinalaki ang puso ko! |
|
| 33 |
|
| Ituro mo sa akin, O PANGINOON, ang daan ng iyong mga batas, at ito'y aking iingatan hanggang sa wakas. |
|
| 34 |
|
| Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo, at akin itong susundin ng buong puso ko. |
|
| 35 |
|
| Akayin mo ako sa landas ng mga utos mo, sapagkat aking kinaluluguran ito. |
|
| 36 |
|
| Ikiling mo ang aking puso sa iyong mga patotoo, at huwag sa pakinabang. |
|
| 37 |
|
| Ilayo mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan; at bigyan mo ako ng buhay sa iyong mga daan. |
|
| 38 |
|
| Pagtibayin mo ang iyong pangako sa lingkod mo, na para sa mga natatakot sa iyo. |
|
| 39 |
|
| Ilayo mo ang kahihiyan na aking kinatatakutan; sapagkat ang mga batas mo'y mainam. |
|
| 40 |
|
| Ako'y nasasabik sa iyong mga panuntunan, bigyan mo ako ng buhay sa iyong katuwiran. |
|
| 41 |
|
| O PANGINOON, paratingin mo rin sa akin ang iyong tapat na pagsuyo, ang iyong pagliligtas ayon sa iyong pangako; |
|
| 42 |
|
| sa gayo'y may maisasagot ako sa mga taong sa aki'y umaalipusta, sapagkat ako'y nagtitiwala sa iyong salita. |
|
| 43 |
|
| At huwag mong lubos na kunin ang salita ng katotohanan mula sa bibig ko, sapagkat ako'y umasa sa mga batas mo. |
|
| 44 |
|
| Lagi kong susundin ang iyong kautusan, magpakailanpaman. |
|
| 45 |
|
| At lalakad ako na may kalayaan; sapagkat aking hinanap ang iyong mga panuntunan. |
|
| 46 |
|
| Magsasalita rin ako tungkol sa iyong mga patotoo sa harapan ng mga hari, at hindi ako mapapahiya. |
|
| 47 |
|
| At ako'y natutuwa sa iyong mga utos, na aking iniibig. |
|
| 48 |
|
| Itataas ko ang aking mga kamay sa iyong mga utos, na iniibig ko, at ako'y magbubulay-bulay sa mga batas mo. |
|
| 49 |
|
| Alalahanin mo ang iyong salita sa lingkod mo, na doo'y pinaasa mo ako. |
|
| 50 |
|
| Ito'y aking kaaliwan sa aking kapighatian, na ang iyong pangako ang nagbibigay sa akin ng buhay. |
|
| 51 |
|
| Ganap akong pinagtatawanan ng mapagmataas na tao, gayunma'y hindi ako humihiwalay sa kautusan mo. |
|
| 52 |
|
| Aking inalaala ang mga batas mo nang una, O PANGINOON, at ako'y naaaliw. |
|
| 53 |
|
| Maalab na galit ang humawak saakin, dahil sa masasama na tumalikod sa iyong kautusan. |
|
| 54 |
|
| Ang iyong mga tuntunin ay naging aking mga awit sa bahay ng aking paglalakbay. |
|
| 55 |
|
| O PANGINOON, aking naalala sa gabi ang iyong pangalan, at sinunod ko ang iyong kautusan. |
|
| 56 |
|
| Ito ang tinamo ko, sapagkat aking iningatan ang mga tuntunin mo. |
|
| 57 |
|
| Ang PANGINOON ay aking bahagi; aking ipinangangako na tutuparin ang iyong mga salita. |
|
| 58 |
|
| Aking hinihiling ang iyong biyaya nang buong puso ko; mahabag ka sa akin ayon sa iyong pangako. |
|
| 59 |
|
| Inisip ko ang mga lakad ko, at ibinalik ko ang aking mga paa sa iyong mga patotoo. |
|
| 60 |
|
| Ako'y nagmamadali at hindi naaantala na sundin ang iyong mga utos. |
|
| 61 |
|
| Pinuluputan ako ng mga panali ng masama; hindi ko nalimutan ang iyong kautusan. |
|
| 62 |
|
| Sa hatinggabi ay babangon ako upang ikaw ay purihin, dahil sa iyong mga matuwid na tuntunin. |
|
| 63 |
|
| Ako'y kasama ng lahat na natatakot sa iyo, at ng mga tumutupad ng mga tuntunin mo. |
|
| 64 |
|
| O PANGINOON, ang lupa ay puno ng tapat na pag-ibig mo, ituro mo sa akin ang mga tuntunin mo! |
|
| 65 |
|
| Ginawan mo ng mabuti ang iyong lingkod, O PANGINOON, ayon sa iyong salita. |
|
| 66 |
|
| Turuan mo ako ng mabuting pagpapasiya at kaalaman; sapagkat ako'y sumampalataya sa iyong kautusan. |
|
| 67 |
|
| Bago ako nagdalamhati ay naligaw ako; ngunit ngayo'y tinutupad ko ang salita mo. |
|
| 68 |
|
| Ikaw ay mabuti, at gumagawa ng mabuti; ituro mo sa akin ang iyong mga tuntunin. |
|
| 69 |
|
| Ang mayabang ay kumatha ng kabulaanan laban sa akin, ngunit aking tutuparin ang iyong mga tuntunin ng buong puso ko. |
|
| 70 |
|
| Ang puso nila ay matabang gaya ng sebo; ngunit ako'y natutuwa sa kautusan mo. |
|
| 71 |
|
| Mabuti sa akin na pinapagpakumbaba ako; upang aking matutuhan ang mga tuntunin mo. |
|
| 72 |
|
| Ang kautusan ng iyong bibig ay higit na mabuti sa akin kaysa libu-libong pirasong ginto at pilak. |
|
| 73 |
|
| Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay; bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutuhan. |
|
| 74 |
|
| Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa; sapagkat ako'y umasa sa iyong salita. |
|
| 75 |
|
| O PANGINOON, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo, at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako. |
|
| 76 |
|
| Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin, ayon sa pangako mo sa iyong lingkod. |
|
| 77 |
|
| Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay, sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan. |
|
| 78 |
|
| Mahiya ang masama, sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan, para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan. |
|
| 79 |
|
| Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo, at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo. |
|
| 80 |
|
| Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa, upang huwag akong mapahiya. |
|
| 81 |
|
| Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo; sa iyong salita ay umaasa ako. |
|
| 82 |
|
| Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako; aking itinatanong, "Kailan mo ako aaliwin?" |
|
| 83 |
|
| Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok; hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin. |
|
| 84 |
|
| Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod? Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin? |
|
| 85 |
|
| Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para saakin, mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin. |
|
| 86 |
|
| Tiyak ang lahat ng mga utos mo; kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako. |
|
| 87 |
|
| Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan, ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran. |
|
| 88 |
|
| Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig, upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig. |
|
| 89 |
|
| Magpakailanman, O PANGINOON, ang iyong salita ay natatag sa langit. |
|
| 90 |
|
| Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan; iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay. |
|
| 91 |
|
| Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo, sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo. |
|
| 92 |
|
| Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan, namatay na sana ako sa aking kalungkutan. |
|
| 93 |
|
| Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo; sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay. |
|
| 94 |
|
| Ako'y iyo, iligtas mo ako, sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo, |
|
| 95 |
|
| Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako, ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo. |
|
| 96 |
|
| Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan; ngunit ang utos mo'y totoong malawak. |
|
| 97 |
|
| O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan! Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw. |
|
| 98 |
|
| Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo, sapagkat ito'y laging kasama ko. |
|
| 99 |
|
| Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro, sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo. |
|
| 100 |
|
| Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda, sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita. |
|
| 101 |
|
| Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko, upang aking masunod ang salita mo. |
|
| 102 |
|
| Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo, sapagkat tinuruan mo ako. |
|
| 103 |
|
| Napakatamis ng iyong mga salita sa panlasa ko! higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko! |
|
| 104 |
|
| Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan; kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan. |
|
| 105 |
|
| Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko. |
|
| 106 |
|
| Ako'y sumumpa at pinagtibay ko, na aking tutuparin ang matutuwid na mga batas mo. |
|
| 107 |
|
| Ako'y lubos na nagdadalamhati, muli mo akong buhayin, O PANGINOON, ayon sa iyong salita. |
|
| 108 |
|
| O PANGINOON, ang aking handog na pagpupuri ay tanggapin mo, at ituro mo sa akin ang mga batas mo. |
|
| 109 |
|
| Patuloy kong hawak sa kamay ko ang aking buhay, gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan. |
|
| 110 |
|
| Ang masama ay naghanda ng bitag para sa akin, gayunma'y hindi ako lumihis sa iyong mga alituntunin. |
|
| 111 |
|
| Ang mga patotoo mo'y aking mana magpakailanman; sa aking puso, ang mga ito'y kagalakan. |
|
| 112 |
|
| Ikiniling ko ang aking puso upang ganapin ang iyong mga batas, magpakailanman, hanggang sa wakas. |
|
| 113 |
|
| Kinasusuklaman ko ang mga taong may salawahang kaisipan, ngunit iniibig ko ang iyong kautusan. |
|
| 114 |
|
| Ikaw ang aking kalasag at dakong kublihan; ang iyong salita ang aking inaasahan. |
|
| 115 |
|
| Lumayo kayo sa akin, kayong mga gumagawa ng kasamaan; upang ang mga utos ng aking Diyos ay aking maingatan. |
|
| 116 |
|
| Alalayan mo ako ayon sa iyong pangako upang mabuhay ako, at huwag mo akong hiyain sa pag-asa ko! |
|
| 117 |
|
| Alalayan mo ako, upang ako'y maging ligtas, at laging magkaroon ako ng pagpapahalaga sa iyong mga batas. |
|
| 118 |
|
| Iyong tinatanggihan silang lahat na naliligaw sa iyong mga kautusan; sapagkat ang kanilang katusuhan ay walang kabuluhan. |
|
| 119 |
|
| Inalis mo ang lahat ng masama sa lupa gaya ng basura, kaya't iniibig ko ang iyong mga patotoo. |
|
| 120 |
|
| Ang laman ko'y nanginginig dahil sa takot sa iyo; at ako'y takot sa mga hatol mo. |
|
| 121 |
|
| Aking ginawa ang tama at makatuwiran; sa mga umaapi sa akin ay huwag mo akong iwan. |
|
| 122 |
|
| Maging panagot ka sa ikabubuti ng iyong lingkod, huwag mong hayaang apihin ako ng mayabang. |
|
| 123 |
|
| Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa pagliligtas mo, at sa iyong matuwid na pangako. |
|
| 124 |
|
| Pakitunguhan mo ang iyong lingkod ng ayon sa iyong tapat na pag-ibig, at ituro mo sa akin ang iyong mga alituntunin. |
|
| 125 |
|
| Ako'y lingkod mo; bigyan mo ako ng kaunawaan, upang ang mga patotoo mo ay aking malaman! |
|
| 126 |
|
| Panahon na upang kumilos ang PANGINOON, sapagkat ang kautusan mo ay nilabag. |
|
| 127 |
|
| Kaya't aking iniibig ang mga utos mo nang higit kaysa ginto, higit kaysa dalisay na ginto. |
|
| 128 |
|
| Kaya't aking pinapahalagahan na matuwid ang lahat mong mga tuntunin tungkol sa lahat ng mga bagay; kinasusuklaman ko ang bawat huwad na daan. |
|
| 129 |
|
| Kahanga-hanga ang mga patotoo mo, kaya't sila'y iniingatan ng kaluluwa ko. |
|
| 130 |
|
| Ang paghahayag ng iyong mga salita ay nagbibigay ng kaliwanagan; nagbibigay ng unawa sa walang karunungan. |
|
| 131 |
|
| Binuksan ko ang aking bibig ng maluwag at humihingal ako, sapagkat ako'y nasasabik sa mga utos mo. |
|
| 132 |
|
| Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng sa umiibig ng iyong pangalan ay kinaugalian mong gawin. |
|
| 133 |
|
| Gawin mong matatag ang mga hakbang ko ayon sa iyong pangako, at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang kasamaan. |
|
| 134 |
|
| Tubusin mo ako sa kalupitan ng tao, upang aking matupad ang mga tuntunin mo. |
|
| 135 |
|
| Paliwanagin mo ang iyong mukha sa lingkod mo, at ituro mo sa akin ang mga alituntunin mo. |
|
| 136 |
|
| Inaagusan ng mga luha ang mga mata ko, sapagkat hindi nila tinutupad ang kautusan mo. |
|
| 137 |
|
| Matuwid ka, O PANGINOON, at matuwid ang iyong mga hatol. |
|
| 138 |
|
| Itinakda mo ang iyong mga patotoo sa katuwiran at sa buong katapatan. |
|
| 139 |
|
| Tinunaw ako ng sigasig ko, sapagkat kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo. |
|
| 140 |
|
| Totoong dalisay ang salita mo, kaya't iniibig ito ng lingkod mo. |
|
| 141 |
|
| Ako'y maliit at hinahamak, gayunma'y hindi ko kinalilimutan ang iyong mga batas. |
|
| 142 |
|
| Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan. |
|
| 143 |
|
| Dumating sa akin ang dalamhati at kabagabagan, at ang mga utos mo'y aking kasiyahan. |
|
| 144 |
|
| Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailanman; bigyan mo ako ng pang-unawa upang ako'y mabuhay. |
|
| 145 |
|
| O PANGINOON, buong puso akong dumadaing, ako'y iyong sagutin, iingatan ko ang iyong mga tuntunin. |
|
| 146 |
|
| Ako'y dumadaing sa iyo; iligtas mo ako, upang aking matupad ang mga patotoo mo. |
|
| 147 |
|
| Babangon bago magbukang-liwayway at dumadaing ako; ako'y umaasa sa mga salita mo. |
|
| 148 |
|
| Ang mga mata ko'y gising sa gabi sa mga pagbabantay, upang sa salita mo ako'y makapagbulay-bulay. |
|
| 149 |
|
| Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong tapat na pagmamahal; O PANGINOON, muli mo akong buhayin ayon sa iyong katarungan. |
|
| 150 |
|
| Silang sumusunod sa kasamaan ay lumalapit, sila'y malayo sa iyong mga tuntunin. |
|
| 151 |
|
| Ngunit ikaw ay malapit, O PANGINOON; at lahat mong utos ay katotohanan. |
|
| 152 |
|
| Noon pa mang una'y natuto na ako sa iyong mga patotoo na magpakailanman ay itinatag mo ang mga ito. |
|
| 153 |
|
| Pagmasdan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagkat hindi ko kinalilimutan ang kautusan mo. |
|
| 154 |
|
| Ipaglaban mo ang aking layunin, at tubusin mo ako, muling buhayin mo ako ayon sa iyong pangako! |
|
| 155 |
|
| Ang kaligtasan ay malayo sa masama, sapagkat hindi nila hinahanap ang iyong mga batas. |
|
| 156 |
|
| O PANGINOON, dakila ang kaawaan mo, muling buhayin mo ako ayon sa katarungan mo. |
|
| 157 |
|
| Marami ang umuusig sa akin at mga kaaway ko; ngunit hindi ako humihiwalay sa iyong mga patotoo. |
|
| 158 |
|
| Namasdan ko ang mga taksil at ako'y nasuklam, sapagkat hindi nila sinusunod ang iyong mga salita. |
|
| 159 |
|
| Isaalang-alang mo kung paanong iniibig ko ang mga tuntunin mo! Muling buhayin mo ako ayon sa tapat na pag-ibig mo. |
|
| 160 |
|
| Ang kabuuan ng iyong salita ay katotohanan; at bawat isa sa iyong matuwid na batas ay nananatili magpakailanman. |
|
| 161 |
|
| Inuusig ako ng mga pinuno nang walang dahilan, ngunit ang puso ko'y namamangha sa iyong mga salita. |
|
| 162 |
|
| Ako'y nagagalak sa iyong salita gaya ng isang nakatagpo ng malaking samsam. |
|
| 163 |
|
| Aking kinapopootan at kinasusuklaman ang kasinungalingan, ngunit iniibig ko ang iyong kautusan. |
|
| 164 |
|
| Pitong ulit sa isang araw ikaw ay pinupuri ko, sapagkat matuwid ang mga batas mo. |
|
| 165 |
|
| May dakilang kapayapaan ang mga umiibig sa iyong kautusan, walang anumang sa kanila ay makapagpapabuwal. |
|
| 166 |
|
| O PANGINOON, sa iyong pagliligtas ay umaasa ako, at tinutupad ko ang mga utos mo. |
|
| 167 |
|
| Sinusunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; lubos ko silang minamahal. |
|
| 168 |
|
| Aking tinutupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagkat lahat ng aking lakad ay nasa harapan mo. |
|
| 169 |
|
| O PANGINOON, sa harapan mo ang aking daing ay dumating nawa; bigyan mo ako ng pagkaunawa ayon sa iyong salita! |
|
| 170 |
|
| Sa harapan mo ang aking panalangin ay dumating nawa, iligtas mo ako ayon sa iyong salita. |
|
| 171 |
|
| Umawit nawa ng papuri ang mga labi ko, sapagkat itinuturo mo sa akin ang mga batas mo. |
|
| 172 |
|
| Awitin nawa ng aking dila ang iyong salita, sapagkat lahat ng mga utos mo ay matuwid. |
|
| 173 |
|
| Maging handa nawa ang iyong kamay na tulungan ako, sapagkat aking pinili ang mga alituntunin mo. |
|
| 174 |
|
| O PANGINOON, ang iyong pagliligtas ay aking kinasasabikan, at ang iyong kautusan ay aking kasiyahan. |
|
| 175 |
|
| Hayaan mo akong mabuhay, upang ako'y makapagpuri sa iyo, at tulungan nawa ako ng mga batas mo. |
|
| 176 |
|
| Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod, sapagkat hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos. |
|
|
|
|