|
| 1 |
|
| Mapalad ang mga taong malinis ang pamumuhay, kautusan ni Yahweh ang sinusunod araw-araw. |
|
| 2 |
|
| Mapalad ang sumusunod sa kanyang patakaran, buong pusong naghahanap sa kanyang kalooban; |
|
| 3 |
|
| ang gawain ay matuwid, namumuhay silang ganap, sa kanyang kalooban ay doon sila lumalakad. |
|
| 4 |
|
| Ibinigay mo nga sa amin ang iyong mga utos, upang buong pagsisikap na ito'y aming masunod. |
|
| 5 |
|
| Gayon ako umaasa, umaasang magiging tapat, susundin ang iyong utos, susundin nang buong ingat. |
|
| 6 |
|
| Kahihiyan ay hindi ko matitikman kailanpaman, kung ako ay susunod nang tapat sa iyong kautusan. |
|
| 7 |
|
| Ang matuwid mong tuntunin habang aking tinatarok, buong pusong magpupuri, pupurihin kitang lubos. |
|
| 8 |
|
| Ang lahat ng iyong utos ay sisikapin kong sundin, huwag mo akong iiwanan, huwag mo akong lilisanin. (Bet) |
|
| 9 |
|
| Paano mapapanatiling malinis ang pamumuhay ng sinumang tao, sa kanilang kabataan? Sa pamamagitan ng pagsunod sa banal mong kautusan. |
|
| 10 |
|
| Buong puso ang hangad kong sambahin ka't paglingkuran, huwag mo akong hahayaang sa utos mo ay sumuway. |
|
| 11 |
|
| Ang banal mong kautusa'y sa puso ko iingatan, upang hindi magkasala laban sa iyo kailanman. |
|
| 12 |
|
| Pupurihin kita, Yahweh, ika'y aking pupurihin; ang lahat ng tuntunin mo ay ituro po sa akin. |
|
| 13 |
|
| Ang lahat mong mga utos na sa aki'y ibinigay, palagi kong babanggitin, malakas kong isisigaw. |
|
| 14 |
|
| Nagagalak na susundin ko ang iyong kautusan, higit pa sa kagalakang dulot nitong kayamanan. |
|
| 15 |
|
| Ako'y laging mag-aaral sa lahat ng tuntunin mo, nang aking maunawaan, pagbubulay-bulayan ko. |
|
| 16 |
|
| Sa bigay mong kautusa'y lubos akong nalulugod, iingatan sa puso ko upang iyo'y di malimot. (Gimmel) |
|
| 17 |
|
| Itong iyong abang lingkod, O Yahweh, nawa'y pagpalain, upang ako ay mabuhay at ang utos mo ang sundin. |
|
| 18 |
|
| Buksan mo ang paningin ko pagkat nananabik masdan, kabutihang idudulot sa akin ng iyong aral. |
|
| 19 |
|
| Ang buhay ko sa daigdig ay pansamantala lamang, kaya huwag mong ikukubli sa akin ang kautusan. |
|
| 20 |
|
| Ang puso ko'y nasasabik, at ang laging hinahangad, ang lahat ng tuntunin mo ay mabatid oras-oras. |
|
| 21 |
|
| Ang mga mapagmataas, iyong pinaparusahan; at iyong isinusumpa ang sa utos mo ay laban. |
|
| 22 |
|
| Sa ganitong mga tao'y ilayo mo akong ganap, yamang ang iyong kautusan ay siya kong tinutupad. |
|
| 23 |
|
| Kahit ako ay usigi't labanan ng pamunuan, itong iyong abang lingkod sa utos mo'y mag-aaral. |
|
| 24 |
|
| Ang buo mong kautusan sa akin ay umaaliw, siyang gurong nagpapayo sa lahat kong suliranin. (Daleth) |
|
| 25 |
|
| Ako'y gapi't lupasay na sa bunton ng alikabok, sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. |
|
| 26 |
|
| Ang aking mga gawang kamalia'y pinatawad mo, ang tuntunin mo at aral, sa lingkod mo'y ituro. |
|
| 27 |
|
| Tulungang maunawaan, iyong mga kautusan, iyong kahanga-hangang gawa, lubos kong pag-aaralan. |
|
| 28 |
|
| Damdam ko ba sa sarili, naghahari'y pawang lungkot; sang-ayon sa pangako mo, palakasin akong lubos. |
|
| 29 |
|
| Sa landas na di matuwid, huwag mo akong hahayaan, pagkat ikaw ang mabuti, ituro ang iyong aral. |
|
| 30 |
|
| Ang pasya ko sa sarili, ako'y maging masunurin, sa batas mo, ang pansin ko ay doon ko ibabaling. |
|
| 31 |
|
| Itong mga tuntunin mo, O Yahweh, ay sinunod ko; huwag nawang hahayaang mapahiya ang lingkod mo. |
|
| 32 |
|
| Ang lahat mong mga utos, ay malugod kong susundin, dahilan sa pang-unawang ibibigay mo sa akin. (He) |
|
| 33 |
|
| Ituro mo, O Yahweh, layunin ng kautusan, at iyon ang susundin ko habang ako'y nabubuhay. |
|
| 34 |
|
| Ituro mo ang batas mo't sisikapin kong masunod, buong pusong iingatan at susundin ko nang lubos. |
|
| 35 |
|
| Sa pagsunod sa utos mo, ako'y iyong pangunahan, pagkat dito nakakamtan ang ligayang inaasam. |
|
| 36 |
|
| Itulot mong hangarin ko na sundin ang iyong utos, higit pa sa paghahangad na yumaman akong lubos. |
|
| 37 |
|
| Ilayo mo ang pansin ko sa bagay na walang saysay; at ayon sa pangako mo'y pagpalain akong tunay. |
|
| 38 |
|
| Tuparin mo ang pangakong ginawa sa iyong lingkod, ang pangako sa lahat ng sa iyo ay natatakot. |
|
| 39 |
|
| Iligtas mo ang lingkod mo sa sinumang mapang-uyam, sa mabuting tuntunin mo, humahanga akong tunay! |
|
| 40 |
|
| Ang lahat ng tuntunin mo, ang hangad ko'y aking sundin, pagkat ikaw ay matuwid, kaya ako'y pagpalain. (Vav) |
|
| 41 |
|
| Sa akin ay ipadama ang dakilang pag-ibig mo, ayon sa pangako, Yahweh, iligtas mo ako; |
|
| 42 |
|
| upang yaong nanlalait sa akin ay masagot ko, yamang ako'y may tiwala sa lahat ng salita mo. |
|
| 43 |
|
| Tulungan mong ihayag ang mga katotohanan, pagkat ako'y may tiwala sa tapat mong kahatulan. |
|
| 44 |
|
| Lagi akong tatalima sa bigay mong kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. |
|
| 45 |
|
| Ako nama'y mamumuhay nang payapa at malaya, yamang ako sa utos mo'y sumusunod namang kusa. |
|
| 46 |
|
| At maging sa mga hari, ang utos mo'y babanggitin, hindi ako mahihiya na ito ay aking gawin. |
|
| 47 |
|
| Sa pagsunod sa utos mo nalulugod akong labis, di masukat ang galak ko, pagkat aking iniibig. |
|
| 48 |
|
| Mahal ko ang iyong utos, ito'y aking ginagalang, sa aral mo at tuntunin ako'y magbubulay-bulay. (Zayin) |
|
| 49 |
|
| Ang pangako sa lingkod mo, sana'y iyong gunitain, pag-asa ang idinulot ng pangako mo sa akin. |
|
| 50 |
|
| Sa gitna ng kahirapan, ang nadama ko ay aliw, pagkat buhay ang natamo sa pangako mo sa akin. |
|
| 51 |
|
| Labis akong hinahamak nitong mga taong hambog, ngunit di ko sinusuway ang bigay mong mga utos. |
|
| 52 |
|
| Bumabalik sa gunita ang payo mo noong araw, ito, Yahweh, sa lingkod mo ang dulot ay kaaliwan. |
|
| 53 |
|
| Nag-aapoy ang galit ko sa tuwing nakikita ko, yaong mga masasamang lumalabag sa batas mo. |
|
| 54 |
|
| Noong ako'y mapalayo sa sarili kong tahanan, ang awiting nilikha ko ay tungkol sa kautusan. |
|
| 55 |
|
| Ang ngalan mo'y nasa isip kung kumagat na ang dilim, Yahweh, aking sinisikap na utos mo'y laging sundin. |
|
| 56 |
|
| Nasasalig sa pagsunod ang tunay kong kagalakan, kaya naman sinusunod ko ang iyong kautusan. (Kheth) |
|
| 57 |
|
| Ikaw lamang, O Yahweh, ang lahat sa aking buhay, kaya ako'y nangangakong susundin ang kautusan. |
|
| 58 |
|
| Taimtim sa aking puso, na ako ay humihiling, sang-ayon sa pangako mo ay mahabag ka sa akin. |
|
| 59 |
|
| Tinanong ko ang sarili kung ano ang nararapat, ang tugon sa katanunga'y sundin ko ang iyong batas. |
|
| 60 |
|
| Kaya ako'y nagdumali, upang hindi na mabalam, sa hangad kong masunod na ang bigay mong kautusan. |
|
| 61 |
|
| Mga taong masasama kahit ako ay gapusin, ang bigay mong mga utos ay di pa rin lilimutin. |
|
| 62 |
|
| Gumigising akong lagi pagsapit ng hatinggabi, sa matuwid mong paghatol lagi kitang pinupuri. |
|
| 63 |
|
| Tapat akong kaibigan ng sa iyo'y naglilingkod, mga taong buong pusong sa utos mo'y sumusunod. |
|
| 64 |
|
| Ang dakilang pag-ibig mo'y laganap sa daigdigan, ituro sa akin, Yahweh, ang banal mong kautusan. (Tet) |
|
| 65 |
|
| Tinupad mo, O Yahweh, ang pangakong binitiwan, kay buti ng ginawa mo sa lingkod mong minamahal. |
|
| 66 |
|
| Ako'y bigyan mo ng dunong at ng tunay na kaalaman, yamang ako'y nagtiwala sa utos mong ibinigay. |
|
| 67 |
|
| Ang sariling dati-rati'y namumuhay nang baluktot, nang ako ay parusahan, salita mo ang sinunod; |
|
| 68 |
|
| kay buti mo, O Yahweh! Kay ganda ng iyong loob; sa akin ay ituro mo ang bigay mong mga utos. |
|
| 69 |
|
| Ang gawain nitong hambog sadyang ako ay siraan, ngunit buong puso ko ring sinusunod ang iyong aral. |
|
| 70 |
|
| Ang ganoong mga tao'y sadyang kapos ng unawa, ngunit sa pagsunod sa utos mo, ako'y natutuwa. |
|
| 71 |
|
| Sa akin ay nakabuti ang parusang iyong dulot, pagkat aking naunawang mahalaga ang iyong utos. |
|
| 72 |
|
| Higit pa sa ginto't pilak nitong buong sanlibutan, ang mabuting idudulot ng bigay mong kautusan. (Yod) |
|
| 73 |
|
| Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan; bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman. |
|
| 74 |
|
| Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita, matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa. |
|
| 75 |
|
| Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas, kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat. |
|
| 76 |
|
| Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos, katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod. |
|
| 77 |
|
| Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay, ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan. |
|
| 78 |
|
| Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain, sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim. |
|
| 79 |
|
| Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot, maging yaong mga tao na alam ang iyong utos. |
|
| 80 |
|
| Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan, upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay. (Kap) |
|
| 81 |
|
| Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas; lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap. |
|
| 82 |
|
| Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin, ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?” |
|
| 83 |
|
| Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad, gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas. |
|
| 84 |
|
| Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay, sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway? |
|
| 85 |
|
| Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin, nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin. |
|
| 86 |
|
| Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang, sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan! |
|
| 87 |
|
| Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay, ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan. |
|
| 88 |
|
| Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin, at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin. (Lamedh) |
|
| 89 |
|
| Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan, matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan. |
|
| 90 |
|
| Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago; ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako. |
|
| 91 |
|
| Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos, alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod. |
|
| 92 |
|
| Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak, namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap. |
|
| 93 |
|
| Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran, pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay. |
|
| 94 |
|
| Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas, ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap. |
|
| 95 |
|
| Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay, ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan. |
|
| 96 |
|
| Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman, ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw. (Mem) |
|
| 97 |
|
| O ang iyong mga utos ay tunay kong iniibig, araw-araw, sa maghapon ay siya kong iniisip. |
|
| 98 |
|
| Kasama ko sa tuwina'y yaong iyong kautusan, kaya ako'y dumurunong nang higit pa sa kaaway. |
|
| 99 |
|
| Sa lahat kong mga guro, ang unawa ko ay higit, pagkat ang aral mo't turo ang laman ng aking isip. |
|
| 100 |
|
| Ang taglay kong karununga'y higit pa sa matatanda, pagkat ang iyong mga utos ay hindi ko sinisira. |
|
| 101 |
|
| Di ko gustong matutuhan ang ugaling masasama, ang hangad ko na masunod ay ang iyong sinalita. |
|
| 102 |
|
| Hindi ako nagpabaya sa utos mo at tuntunin, pagkat ikaw ang guro ko na nagturo ng aralin. |
|
| 103 |
|
| O kay tamis na namnamin ang utos mong ibinigay, matamis pa kaysa pulot lasa nitong tinataglay. |
|
| 104 |
|
| Sa bigay mong mga utos, natamo ko'y karunungan, kaya ako'y namumuhi sa ugaling mahahalay. (Nun) |
|
| 105 |
|
| Salita mo'y isang tanglaw na sa akin ay patnubay, sa landas kong daraanan, liwanag na tumatanglaw. |
|
| 106 |
|
| Taimtim ang pangako kong ang utos mo ay susundin, tutupdin ko ang tuntuning iniaral mo sa akin. |
|
| 107 |
|
| Labis-labis, O Yahweh, ang hirap kong tinataglay, sang-ayon sa pangako mo, pasiglahin yaring buhay. |
|
| 108 |
|
| Ang handog kong pasalamat, Yahweh, sana ay tanggapin, yaong mga tuntunin mo ay ituro mo sa akin. |
|
| 109 |
|
| Ako'y laging nakahandang magbuwis ng aking buhay; pagkat di ko malilimot yaong iyong kautusan. |
|
| 110 |
|
| Sa akin ay mayroong handang patibong ang masasama, ngunit ang iyong kautusan ay hindi ko sinisira. |
|
| 111 |
|
| Ang bigay mong mga utos, ang pamanang walang hanggan, sa puso ko'y palagi nang ang dulot ay kagalakan. |
|
| 112 |
|
| Ang pasya ko sa sarili, sundin ko ang kautusan, susundin ko ang utos mo habang ako'y nabubuhay. (Samek) |
|
| 113 |
|
| Ako'y galit sa sinumang sa iyo ay hindi tapat, ang tunay kong iniibig ay ang iyong mga batas. |
|
| 114 |
|
| Ikaw lamang ang muog ko at matibay na sanggalang, ang pangako mo sa akin ay lubos kong aasahan. |
|
| 115 |
|
| Kaya kayong masasama, ako'y inyo nang lubayan, pagkat ang utos ng Diyos, hindi ko tatalikuran. |
|
| 116 |
|
| Ang lakas na pangako mo, upang ako ay mabuhay, ibigay mo't ang pag-asa ko ay hindi mapaparam. |
|
| 117 |
|
| Upang ako ay maligtas, ingatan mo ako, O Diyos, ang pansin ko'y itutuon sa bigay mong mga utos. |
|
| 118 |
|
| Ang lumabag sa utos mo ay lubos mong itatakwil, ang kanilang panlilinlang ay wala ring sasapitin. |
|
| 119 |
|
| Sa lahat ng masasama, basura ang iyong tingin, kaya naman ang turo mo ang siya kong iibigin. |
|
| 120 |
|
| Dahil sa iyo, ang damdam ko'y para akong natatakot, sa hatol mong igagawad, natatakot akong lubos. (Ayin) |
|
| 121 |
|
| Ang matuwid at mabuti ay siya kong ginampanan, sa kamay ng kaaway ko, huwag mo akong pabayaan. |
|
| 122 |
|
| Aming Diyos, mangako kang iingatan ang iyong lingkod, at hindi mo babayaang guluhin ng mga hambog. |
|
| 123 |
|
| Malamlam na ang mata ko, sa tagal ng paghihintay, sa pangako mo sa aking tatanggapi'y kaligtasan. |
|
| 124 |
|
| Sang-ayon sa pag-ibig mo, gayon ang gawing pagtingin, ang lahat ng tuntunin mo ay ituro na sa akin. |
|
| 125 |
|
| Bigyan mo ng pang-unawa itong iyong abang lingkod, upang aking maunawa ang aral mo't mga utos. |
|
| 126 |
|
| Panahon na, O Yahweh, upang ikaw ay kumilos, nilalabag na ng tao ang bigay mong mga utos. |
|
| 127 |
|
| Mahal ko ang iyong utos nang higit pa kaysa ginto, kaysa gintong dinalisay, utos mo'y isinapuso. |
|
| 128 |
|
| Kaya iyang tuntunin mo ang siya kong sinusunod, pagkat ako'y namumuhi sa anumang gawang buktot. (Pe) |
|
| 129 |
|
| Lubos akong humahanga sa bigay mong mga turo; lahat aking iingata't susundin nang buong puso. |
|
| 130 |
|
| Ang liwanag ng turo mo'y nagsisilbing isang tanglaw, nagbibigay dunong ito sa wala pang karanasan. |
|
| 131 |
|
| Halos humihingal ako dahilan sa kasabikan, na matamo yaong aking minimithing kautusan. |
|
| 132 |
|
| Ako'y iyong kahabagan, ngayon ako ay lingapin, at sa mga taong tapat, itulad mo ang pagtingin. |
|
| 133 |
|
| Sang-ayon sa pangako mo, huwag mo akong hahayaang mahulog sa gawang mali at ugaling mahahalay. |
|
| 134 |
|
| Sa sinumang naghahangad na ako ay alipinin, iligtas mo ang lingkod mo't ang utos mo ang susundin. |
|
| 135 |
|
| Sa buhay ko'y tumanglaw ka at ako ay pagpalain, at ang iyong mga utos ay ituro mo sa akin. |
|
| 136 |
|
| Parang agos na ng batis ang daloy ng aking luha, dahilan sa mga taong sa utos mo'y sumisira. (Tsade) |
|
| 137 |
|
| Matuwid ka, O Yahweh, matapat ka nga at banal, matapat ang tuntunin mo sa bigay mong kautusan. |
|
| 138 |
|
| Yaong mga tuntunin mong iniukol mo sa amin, sa lahat ay naaangkop, at matapat ang layunin. |
|
| 139 |
|
| Nag-aapoy ang galit ko, sa puso ko'y nag-aalab, pagkat yaong kaaway ko sa utos mo'y yumuyurak. |
|
| 140 |
|
| Ang pangako mo sa amin ay subok na't walang mintis, kaya naman ang lingkod mo'y labis itong iniibig. |
|
| 141 |
|
| Kung ako ma'y walang saysay at kanilang itinakwil, gayon pa man, ang utos mo'y hindi pa rin lilimutin. |
|
| 142 |
|
| Ang taglay mong katapatan, kailanma'y di kukupas, katuruan mo'y totoo at ito ay walang wakas. |
|
| 143 |
|
| Ang buhay ko'y nalilipos ng hirap at suliranin, ngunit ang iyong kautusan ang sa aki'y umaaliw. |
|
| 144 |
|
| Ang lahat ng tuntunin mo'y matuwid at walang hanggan, bigyan ako ng unawa at ako ay mabubuhay. (Qof) |
|
| 145 |
|
| Buong pusong tumatawag itong iyong abang lingkod; ako'y iyong dinggin, Yahweh, at susundin ko ang utos. |
|
| 146 |
|
| Tumatawag ako, Yahweh, sa iyo ay dumaraing, iligtas mo ako ngayon nang ang utos mo ay sundin. |
|
| 147 |
|
| Madilim pa, ang lingkod mo ay gising na't tumatawag, sa pangako mong iniwan, pag-asa ko'y nakalagak. |
|
| 148 |
|
| Hindi ako makatulog, magdamag na laging gising, at ang aking binubulay ay ang bigay mong aralin. |
|
| 149 |
|
| Ako'y dinggin mo, O Yahweh, ayon sa iyong pag-ibig, iligtas mo ang buhay ko yamang ikaw ay matuwid. |
|
| 150 |
|
| Palapit na nang palapit ang sa aki'y umuusig, mga taong walang galang sa utos mong sakdal tuwid. |
|
| 151 |
|
| Ngunit ikaw, O Yahweh, ay malapit sa piling ko, ang pangakong binitiwan mo sa akin ay totoo. |
|
| 152 |
|
| Iyang mga tuntunin mo'y matagal nang aking talos, ang utos na ginawa mo'y walang hanggang mga utos. (Resh) |
|
| 153 |
|
| Ang taglay kong paghihirap ay masdan mo at lunasan, pagkat aking sinusunod ang banal mong kautusan. |
|
| 154 |
|
| Ako'y iyong ipagtanggol at ako ay tubusin, dahil iyan ang pangakong binitiwan mo sa akin. |
|
| 155 |
|
| Iyang mga masasama'y tiyak na di maliligtas, dahilan sa kautusang hindi nila ginaganap. |
|
| 156 |
|
| Sa iyong habag, O Yahweh, ay wala nang makapantay, kaya ako ay iligtas, ayon sa iyong kapasyahan. |
|
| 157 |
|
| Kay rami ng kaaway ko, at mga mapang-alipin, ngunit ang iyong kautusan ay patuloy kong susundin. |
|
| 158 |
|
| Nagdaramdam akong labis kapag aking namamasdan, yaong mga taong taksil na laban sa kautusan. |
|
| 159 |
|
| Nalalaman mo, O Yahweh, mahal ko ang iyong utos, iligtas mo ako ayon sa pag-ibig mong taos. |
|
| 160 |
|
| Ang buod ng kautusa'y batay sa katotohanan, ang lahat ng tuntunin mo'y pawang walang katapusan. (Shin) |
|
| 161 |
|
| Mga taong namumuno na kulang sa katarungan, usigin man nila ako, susundin ko'y iyong aral. |
|
| 162 |
|
| Dahilan sa pangako mo, nagagalak yaring buhay, katulad ko ay taong nakatuklas noong yaman. |
|
| 163 |
|
| Sa anumang di totoo muhi ako't nasusuklam, ang tunay kong iniibig ay ang iyong kautusan. |
|
| 164 |
|
| Araw-araw, pitong beses akong nagpapasalamat, sa lahat ng kahatulang matuwid mong iginawad. |
|
| 165 |
|
| Ang magmahal sa utos mo'y mapayapa yaong buhay, matatag ang taong ito at hindi na mabubuwal. |
|
| 166 |
|
| Hinihintay kita, O Yahweh, upang ako ay iligtas, ang lahat ng iyong utos ay akin ngang tinutupad. |
|
| 167 |
|
| Tinutupad ko ang utos at lahat mong mga aral, buong pusong iniibig ang buo mong kautusan. |
|
| 168 |
|
| Sinusunod ko ang iyong kautusa't mga aral, ang anumang gawain ko ay kita mo't namamasdan. (Taw) |
|
| 169 |
|
| O Yahweh, tanggapin mo ang daing ko na tulungan, at ayon sa pangako mo, pang-unawa ako'y bigyan. |
|
| 170 |
|
| Hayaan ang dalangin ko ay dumating sa iyo, O Diyos, sang-ayon sa pangako mo, iligtas ang iyong lingkod. |
|
| 171 |
|
| Ako'y laging magpupuri, lagi kitang pupurihin, pagkat ako'y tinuruan ng aral mo at tuntunin. |
|
| 172 |
|
| Dahilan sa pangako mo, ako ngayon ay aawit, sapagkat ang iyong utos ay marapat at matuwid. |
|
| 173 |
|
| Humanda ka sa pagtulong, ito'y aking kailangan, sapagkat ang susundin ko'y ang utos mong ibinigay. |
|
| 174 |
|
| Nasasabik ako, Yahweh, sa pangakong pagliligtas, natamo ko sa utos mo, ang ligaya at ang galak. |
|
| 175 |
|
| Upang ako ay magpuri, ako'y bigyan mo ng buhay, matulungan nawa ako ng tuntunin mo at aral. |
|
| 176 |
|
| Para akong isang tupa na nawala at nawalay, hanapin mo ang lingkod mo, ako ngayon ay lapitan, pagkat ako ay sumunod sa lahat mong kautusan. |
|
|
|
|