×

Magandang Balita Biblia

Awit 120

1
Nang ako'y manganib, kay Yahweh dumaing, dininig niya ako sa aking dalangin.
2
Sa taong di tapat, gawai'y manlinlang, Yahweh, iligtas mo't ako'y isanggalang.
3
Sa kamay ng Diyos, kayong sinungaling, ano kayang parusa ang inyong kakamtin?
4
Tutudlain kayo ng panang matalim, at idadarang pa sa may bagang uling.
5
Ako ay kawawa; ako ay dayuhan, sa Meshec at Kedar, ako ay namuhay.
6
Matagal-tagal ding ako'y nakapisan ng hindi mahilig sa kapayapaan.
7
Kung kapayapaan ang binabanggit ko, pakikipagbaka ang laman ng ulo.
Tagalog Bible 2012
New Testament 2012 Philippine Bible Society Old Testament 2005 Philippine Bible Society
:
I-save ang Mga Tala