|
| 1 |
|
| Purihin si Yahweh sa kanyang kabutihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 2 |
|
| Pinakadakilang Diyos ng mga diyos ay pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 3 |
|
| Ang Panginoon ng mga panginoon ay ating pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 4 |
|
| Dakilang himala at kababalaghan, tanging kanya lamang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 5 |
|
| Itong kalangitan kanyang ginawa nang buong kahusayan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 6 |
|
| Nilikha ang lupa at pati ang tubig nitong kalaliman. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 7 |
|
| Siya ang lumikha, siya ang gumawa, ng araw at buwan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 8 |
|
| Nilikha ang araw upang sa maghapon ay siyang tumanglaw. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 9 |
|
| At kanyang nilikhang pananglaw kung gabi, bituin at buwan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 10 |
|
| Ang mga panganay ng mga Egipcio ay kanyang pinatay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 11 |
|
| Mula sa Egipto kanyang inilabas ang bayang hinirang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 12 |
|
| Ang ginamit niya'y mga kamay niyang makapangyarihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 13 |
|
| Ang Dagat na Pula, kanyang inutusan at nahati naman. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 14 |
|
| Ang pinili niyang bayan ng Israel ay doon dumaan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 15 |
|
| Ngunit nilunod niya itong Faraon at hukbong sandatahan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 16 |
|
| Nang mailabas na'y siya ang kasama habang nasa ilang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 17 |
|
| Pinagpapatay niya yaong mga haring may kapangyarihan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 18 |
|
| Maging mga haring bantog noong una ay kanyang pinatay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 19 |
|
| Siya ang pumatay sa haring Amoreo, ang haring si Sihon. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 20 |
|
| Siya rin ang pumatay sa bantog na si Og, ang hari ng Bashan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 21 |
|
| Ang lupain nila'y ipinamahagi sa kanyang hinirang. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 22 |
|
| Ipinamahagi niya sa Israel, bayang minamahal. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 23 |
|
| Di niya nilimot nang tayo'y malupig ng mga kaaway. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 24 |
|
| Pinalaya tayo, nang tayo'y masakop ng mga kalaban. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 25 |
|
| Lahat ng pagkain ng tao at hayop, siya'ng nagbibigay. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
| 26 |
|
| Ang Diyos nitong langit ay dapat purihin at pasalamatan. Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman! |
|
|
|
|