×

Magandang Balita Bible (Revised) 2005

Awit 141

1
Sa iyo, O Yahweh, ako'y dumadalangin sa aking pagtawag, ako sana'y dinggin.
2
Ang aking dalangin sana'y tanggapin mo, masarap na samyong handog na insenso; itong pagtaas ng mga kamay ko.
3
O Yahweh, bibig ko ay iyong bantayan, ang mga labi ko'y lagyan mo ng bantay.
4
Huwag mong babayaang ako ay matukso, sa gawang masama ay magumon ako; ako ay ilayo, iiwas sa gulo, sa handaan nila'y nang di makasalo.
5
Pagkat may pag-ibig, ang mabuting tao puwedeng magparusa't pagwikaan ako, ngunit ang masama ay hindi ko ibig na ang aking ulo'y buhusan niya ng langis; pagkat ang dalangin at lagi kong hibik, ay laban sa gawa niyang malulupit.
6
Kung sila'y bumagsak tuloy na hatulan, maniniwala na ang mga nilalang na ang salita ko ay katotohanan.
7
Tulad ng panggatong na pira-piraso, sa pinaglibinga'y kakalat ang buto.
8
Di ako hihinto, sa aking pananalig, ang pag-iingat mo'y aking ninanais, huwag mong itutulot, buhay ko'y mapatid.
9
Sa mga patibong ng masamang tao, ilayo mong lubos, ingatan mo ako.
10
Iyong pabayaang sila ang mahulog, samantalang ako'y ligtas mong kinupkop.
Tagalog Bible 2005
2005 Philippine Bible Society
:
I-save ang Mga Tala