|
| 1 |
|
| Purihin si Yahweh! O kay sarap umawit at magpuri sa ating Diyos, ang magpuri sa kanya'y tunay na nakalulugod. |
|
| 2 |
|
| Ang lunsod ng Jerusalem, muli niyang ibabalik, sa kanyang mga lingkod, na natapon at nalupig. |
|
| 3 |
|
| At ang mga pusong wasak ay kanya ring lulunasan, ang natamo nilang sugat ay bibigyang kagalingan. |
|
| 4 |
|
| Alam niya't natitiyak ang bilang ng mga bituin, isa-isang tinatawag, sa pangala'y itinuring. |
|
| 5 |
|
| Si Yahweh na ating Diyos ay dakila at malakas, taglay niyang karunungan, hinding-hindi masusukat. |
|
| 6 |
|
| Taong mapagpakumbaba'y siya niyang itataas, ngunit lahat ng mayabang sa lupa ay ibabagsak. |
|
| 7 |
|
| Umawit ng mga imno at si Yahweh ay purihin, purihin ang ating Diyos at ang alpa ay tugtugin. |
|
| 8 |
|
| Ang ulap sa kalangitan ay siya ang naglalatag, itong lupa'y dinidilig ng saganang tubig-ulan, sa bundok at gubat nama'y, mga damo'y binubuhay. |
|
| 9 |
|
| Pagkain ng mga hayop, siya rin ang nagbibigay, pinapakain nga niya nagugutom na inakay. |
|
| 10 |
|
| Hindi siya nalulugod sa kabayong malalakas, kahit mga piling kawal hindi siya nagagalak. |
|
| 11 |
|
| Ngunit sa may pagkatakot, kasiyahan niya'y labis, sa kanilang may tiwala sa matatag niyang pag-ibig. |
|
| 12 |
|
| Purihin si Yahweh, mga taga-Jerusalem! Purihin mo ang iyong Diyos, kayong mga taga-Zion! |
|
| 13 |
|
| Pagkat mga pintuan mo ay siya ang nag-iingat, ang anak mo't mga lingkod, pinagpala niyang lahat. |
|
| 14 |
|
| Ginagawang mapayapa ang iyong hangganan, sa kaloob niyang trigo, bibigyan kang kasiyahan. |
|
| 15 |
|
| Kapag siya'y nag-uutos, agad itong natutupad, dumarating sa daigdig, na hindi na nagluluwat. |
|
| 16 |
|
| Singkapal ng damit-tupa mga yelong pumapatak, para itong alikabok na sa lupa'y nalalaglag. |
|
| 17 |
|
| Mga yelong buo-buo, sinlaki ng munting bato, lumalagpak, na ang lamig di matiis kahit sino. |
|
| 18 |
|
| Ang yelo ay natutunaw, sa isa lang niyang utos, umiihip ang hangin at ang tubig ay umaagos. |
|
| 19 |
|
| Kay Jacob niya ibinigay ang lahat ng tagubilin, ang tuntuni't mga aral, ibinigay sa Israel. |
|
| 20 |
|
| Ang ganitong karapatan ay wala ang ibang bansa, pagkat hindi nila batid ang utos na itinakda. Purihin si Yahweh! |
|
|
|
|