|
| 1 |
|
| Lahat ng matuwid dapat na magsaya, dahil sa ginawa ng Diyos sa kanila; kayong masunuri'y magpuri sa kanya! |
|
| 2 |
|
| Ang Diyos na si Yahweh ay pasalamatan, tugtugin ang alpa't awit ay saliwan; |
|
| 3 |
|
| Isang bagong awit, awiting malakas, kasaliw ang tugtog ng alpang marilag! |
|
| 4 |
|
| Si Yahweh ay tapat sa kanyang salita, at maaasahan ang kanyang ginawa. |
|
| 5 |
|
| Ang nais niya ay kat'wira't katarungan, ang pag-ibig niya sa mundo'y laganap. |
|
| 6 |
|
| Sa utos ni Yahweh, nalikha ang langit, ang araw, ang buwa't talang maririkit; |
|
| 7 |
|
| sa iisang dako, tubig ay tinipon, at sa kalaliman ay doon kinulong. |
|
| 8 |
|
| Matakot kay Yahweh ang lahat sa lupa! Dapat katakutan ng buong nilikha! |
|
| 9 |
|
| Ang buong daigdig, kanyang nilikha, sa kanyang salita, lumitaw na kusa. |
|
| 10 |
|
| Ang binabalangkas niyong mga bansa, kanyang nababago't winawalang-bisa. |
|
| 11 |
|
| Ngunit ang mga panukala ni Yahweh, hindi masisira, ito'y mananatili. |
|
| 12 |
|
| Mapalad ang bansang si Yahweh ang Diyos; mapalad ang bayang kanyang ibinukod. |
|
| 13 |
|
| Magmula sa langit, kanyang minamasdan ang lahat ng tao na kanyang nilalang. |
|
| 14 |
|
| Nagmamasid siya at namamahala sa lahat ng tao sa balat ng lupa. |
|
| 15 |
|
| Ang isip nila'y sa kanya nagmula walang nalilingid sa kanilang gawa. |
|
| 16 |
|
| Di dahil sa hukbo, hari'y nagtagumpay, ni dahil sa lakas, nagwagi ang kawal; |
|
| 17 |
|
| kabayong pandigma'y di na kailangan, upang sa digmaa'y kamtin ang tagumpay; di makakapagligtas, lakas nilang taglay. |
|
| 18 |
|
| Ang nagmamahal kay Yahweh, at nagtitiwala sa kanyang pag-ibig, ay kinakalinga. |
|
| 19 |
|
| Hindi hahayaang sila ay mamatay, kahit magtaggutom sila'y binubuhay. |
|
| 20 |
|
| Tanging si Yahweh lang ang ating pag-asa; tulong na malaki at sanggalang siya. |
|
| 21 |
|
| Dahil nga sa kanya, kami'y natutuwa; sa kanyang pangalan ay nagtitiwala. |
|
| 22 |
|
| Ipagkaloob mo na aming makamit, O Yahweh, ang iyong wagas na pag-ibig, yamang ang pag-asa'y sa iyo nasasalig! |
|
|
|
|