|
| 1 |
|
| Kayong mga matuwid, sumigaw kayo sa galak, dahil sa ginawa ng Panginoon! Kayong namumuhay ng tama, nararapat ninyo siyang purihin! |
|
| 2 |
|
| Pasalamatan ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas. |
|
| 3 |
|
| Awitan ninyo siya ng bagong awit. Tugtugan ninyo siya ng buong husay, at sumigaw kayo sa tuwa. |
|
| 4 |
|
| Ang salita ng Panginoon ay matuwid, at maaasahan ang kanyang mga gawa. |
|
| 5 |
|
| Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan. Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal. |
|
| 6 |
|
| Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ang langit ay nalikha; sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin. |
|
| 7 |
|
| Inipon niya ang dagat na parang inilagay sa isang sisidlan. |
|
| 8 |
|
| Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon, |
|
| 9 |
|
| dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo; siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat. |
|
| 10 |
|
| Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya. Sinasalungat niya ang kanilang binabalak. |
|
| 11 |
|
| Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman, at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad. |
|
| 12 |
|
| Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon. At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya. |
|
| 13 |
|
| Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao. |
|
| 14 |
|
| Mula sa kanyang luklukan, tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo. |
|
| 15 |
|
| Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao, at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa. |
|
| 16 |
|
| Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal, at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas. |
|
| 17 |
|
| Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan; hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan. |
|
| 18 |
|
| Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya, sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig. |
|
| 19 |
|
| Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan, at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan. |
|
| 20 |
|
| Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon. Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol. |
|
| 21 |
|
| Nagagalak tayo, dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan. |
|
| 22 |
|
| Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig. Ang aming pag-asa ay nasa inyo. |
|
|
|
|