Dumating sana sa kanila ang kapahamakan nang hindi nila inaasahan. Sila sana ang mahuli sa bitag na kanilang ginawa, at sila rin ang mahulog sa hukay na kanilang hinukay.
Kapag silaʼy nagkakasakit akoʼy nalulungkot para sa kanila; nagdaramit ako ng sako at nag-aayuno pa. At kung ang aking dalangin para sa kanilaʼy hindi sinasagot,
palakad-lakad akong nagluluksa na parang nawalan ng kapatid o kaibigan, at akoʼy yumuyuko at nagdadalamhati para sa kanila na para bang nawalan ako ng ina.
Ngunit nang ako na ang nahihirapan, nagkakatipon sila at nagtatawanan. Nagsasama-sama ang mga sa akin ay kumakalaban; kahit ang mga hindi ko kilala ay sumasamaʼt walang tigil na akoʼy hinahamak.
Huwag nʼyong payagan na matuwa ang aking mga kaaway sa aking pagkatalo. Ang mga galit sa akin nang walang dahilan ay huwag nʼyong payagang kutyain ako.
Sumigaw sana sa kagalakan ang mga taong nagagalak sa aking kalayaan. Palagi sana nilang sabihin, “Purihin ang Panginoon na nagagalak sa tagumpay ng kanyang mga lingkod.”