|
| 1 |
|
| Huwag kang mabalisa dahil sa masama; huwag mong kainggitan liko nilang gawa. |
|
| 2 |
|
| Katulad ng damo, sila'y malalanta, tulad ng halaman, matutuyo sila. |
|
| 3 |
|
| Umasa ka sa Diyos, ang mabuti'y gawin, at mananahan kang ligtas sa lupain. |
|
| 4 |
|
| Kay Yahweh mo hanapin ang kaligayahan, at ang pangarap mo'y iyong makakamtan. |
|
| 5 |
|
| Ang iyong sarili'y sa kanya italaga, tutulungang ganap kapag ika'y nagtiwala. |
|
| 6 |
|
| Ang kabutihan mo ay magliliwanag, katulad ng araw kung tanghaling-tapat. |
|
| 7 |
|
| Sa harap ni Yahweh ay pumanatag ka, maging matiyagang maghintay sa kanya; huwag mong kainggitan ang gumiginhawa, sa likong paraan, umunlad man sila. |
|
| 8 |
|
| Huwag kang mapopoot ni mababalisa, iyang pagkagalit, iwasan mo sana; walang kabutihang makakamtan ka. |
|
| 9 |
|
| Ang nagtitiwala kay Yahweh, mabubuhay, ligtas sa lupain at doon tatahan, ngunit ang masama'y ipagtatabuyan. |
|
| 10 |
|
| Hindi magtatagal, sila'y mapaparam, kahit hanapin mo'y di masusumpungan. |
|
| 11 |
|
| Tatamuhin ng mga mapagpakumbaba, ang lupang pangako na kanyang pamana; at sa lupang iyon na napakasagana, ang kapayapaa'y matatanggap nila. |
|
| 12 |
|
| Ang taong masama'y laban sa matuwid, napopoot siyang ngipi'y nagngangalit. |
|
| 13 |
|
| Si Yahweh'y natatawa lang sa masama, pagkat araw nila lahat ay bilang na. |
|
| 14 |
|
| Taglay ng masama'y pana at patalim, upang ang mahirap dustai't patayin, at ang mabubuti naman ay lipulin. |
|
| 15 |
|
| Ngunit sa sariling tabak mamamatay, pawang mawawasak pana nilang taglay. |
|
| 16 |
|
| Higit na mabuti ang may kakaunti ngunit matuwid at walang kinakanti, kaysa kayamanan nitong masasama, pagsamahin mang lahat, ito'y balewala. |
|
| 17 |
|
| Lakas ng masama ay aalisin, ngunit ang matuwid ay kakalingain. |
|
| 18 |
|
| Iingatan ni Yahweh ang taong masunurin, ang lupang minana'y di na babawiin. |
|
| 19 |
|
| Kahit na sumapit ang paghihikahos, di daranasin ang pagdarahop. |
|
| 20 |
|
| Ngunit ang masama'y pawang mamamatay; kalaban ni Yahweh, tiyak mapaparam, tulad ng bulaklak at mga halaman; para silang usok na paiilanlang. |
|
| 21 |
|
| Anumang hiramin ng taong masama, di na ibabalik sa kanyang kapwa, ngunit ang matuwid na puso'y dakila, ang palad ay bukás at may pang-unawa. |
|
| 22 |
|
| Lahat ng mga taong pinagpala ni Yahweh, lupang masagana, kanilang bahagi; ngunit ang sinuman na kanyang sumpain, sa lupaing iyon ay palalayasin. |
|
| 23 |
|
| Ang gabay ng tao sa kanyang paglakad, ay itong si Yahweh, kung nais maligtas; sa gawain niya, ang Diyos nagagalak. |
|
| 24 |
|
| Kahit na mabuwal, siya ay babangon, pagkat si Yahweh, sa kanya'y tutulong. |
|
| 25 |
|
| Mula pagkabata't ngayong tumanda na, sa tanang buhay ko'y walang nabalita na sa taong tapat, ang Diyos nagpabaya; o ang anak niya'y naging hampaslupa. |
|
| 26 |
|
| Sa lahat ng oras, bukás pa ang palad sa pagkakaloob sa mga mahirap; pagpapala'y laan ng kanilang mga anak. |
|
| 27 |
|
| Masama'y itakwil, mabuti ang gawin, upang manahan kang lagi sa lupain. |
|
| 28 |
|
| Ang lahat ng taong wasto ang gawain, ay mahal ni Yahweh, hindi itatakwil. Sila'y iingatan magpakailanman, ngunit ang masama ay ihihiwalay. |
|
| 29 |
|
| Ang mga matuwid, ligtas na titira, at di na aalis sa lupang pamana. |
|
| 30 |
|
| Sa bibig ng matuwid namumutawi'y karunungan; at sa labi nila'y pawang katarungan. |
|
| 31 |
|
| Ang utos ng Diyos ang laman ng puso, sa utos na ito'y hindi lumalayo. |
|
| 32 |
|
| Ang taong masama'y laging nag-aabang, sa taong matuwid nang ito'y mapatay; |
|
| 33 |
|
| ngunit hindi naman siya hahayaang mahulog sa kamay ng mga kaaway; di rin magdurusa kahit paratangan. |
|
| 34 |
|
| Manalig ka kay Yahweh, utos niya'y sundin; ikaw ay lalakas upang ang lupain ay kamtin, at ang mga taksil makikitang palalayasin. |
|
| 35 |
|
| Ako'y may nakitang taong abusado, itaas ang sarili ang kanyang gusto; kahoy sa Lebanon ang tulad nito. |
|
| 36 |
|
| Lumipas ang araw, ang aking napuna, nang ako'y magdaan, ang tao'y wala na; hinanap-hanap ko'y di ko na makita. |
|
| 37 |
|
| Ang taong matuwid ay inyong pagmasdan, mapayapang tao'y patuloy ang angkan. |
|
| 38 |
|
| Ngunit wawasaking lubos ang masama, lahi'y lilipulin sa balat ng lupa. |
|
| 39 |
|
| Ililigtas ni Yahweh ang mga matuwid, iingatan sila kapag naliligalig. |
|
| 40 |
|
| Sasaklolohan sila't kanyang tutulungan laban sa masama, ipagsasanggalang; sapagkat si Yahweh ang kanilang sandigan. |
|
|
|
|