|
| 1 |
|
| Oh Panginoon, huwag mo akong sawayin sa iyong pag-iinit: ni parusahan mo man ako sa iyong mahigpit na sama ng loob. |
|
| 2 |
|
| Sapagka't ang iyong mga pana ay nagsitimo sa akin, at pinipisil akong mainam ng iyong kamay. |
|
| 3 |
|
| Walang kagalingan sa aking laman dahil sa iyong pagkagalit; ni may kaginhawahan man sa aking mga buto dahil sa aking kasalanan. |
|
| 4 |
|
| Sapagka't ang aking mga kasamaan ay nagsidaan sa ibabaw ng aking ulo: gaya ng isang pasang mabigat ay napakabigat sa akin. |
|
| 5 |
|
| Ang aking mga sugat ay mabaho, at putokputok, dahil sa aking kamangmangan. |
|
| 6 |
|
| Ako'y nahirapan at ako'y nahukot; ako'y tumatangis buong araw. |
|
| 7 |
|
| Sapagka't ang aking mga balakang ay lipos ng hirap; at walang kagalingan sa aking laman. |
|
| 8 |
|
| Ako'y nanglalata, at bugbog na mainam: ako'y umangal dahil sa kaba ng aking loob. |
|
| 9 |
|
| Panginoon, lahat ng aking nais ay nasa harap mo; at ang aking hibik ay hindi lingid sa iyo. |
|
| 10 |
|
| Ang aking loob ay kakabakaba, ang aking kalakasan ay nanglalata: tungkol sa liwanag ng aking mga mata, ay napawi rin ito sa akin. |
|
| 11 |
|
| Ang mga mangliligaw at mga kaibigan ko ay nangatayong malayo sa aking paghihirap; at ang aking mga kamaganak ay nakalayo. |
|
| 12 |
|
| Sila namang nangaguusig ng aking buhay ay nangaglagay ng mga silo na ukol sa akin; at silang nagsisihanap ng aking ikapapahamak ay nangagsasalita ng mga masasamang bagay, at nangagiisip ng pagdaraya buong araw. |
|
| 13 |
|
| Nguni't ako'y gaya ng binging tao, na hindi nakakarinig; at ako'y gaya ng piping tao, na hindi ibinubuka ang kaniyang bibig. |
|
| 14 |
|
| Oo, ako'y gaya ng tao na hindi nakakarinig, at sa kaniyang bibig ay walang mga kasawayan. |
|
| 15 |
|
| Sapagka't sa iyo, Oh Panginoon ay umaasa ako: ikaw ay sasagot, Oh Panginoon kong Dios. |
|
| 16 |
|
| Sapagka't aking sinabi: Baka ako'y kagalakan nila: pagka ang aking paa ay nadudulas, ay nagsisipagmataas sila laban sa akin. |
|
| 17 |
|
| Sapagka't ako'y madali ng mahulog, at ang aking kapanglawan ay laging nasa harap ko. |
|
| 18 |
|
| Sapagka't aking ipahahayag ang aking kasamaan; aking ikamamanglaw ang aking kasalanan. |
|
| 19 |
|
| Nguni't ang aking mga kaaway ay buhay at malalakas: at silang nangagtatanim sa akin na may kamalian ay dumami. |
|
| 20 |
|
| Sila namang nangagbabayad ng kasamaan sa mabuti ay mga kaaway ko, sapagka't aking sinunod ang bagay na mabuti. |
|
| 21 |
|
| Huwag mo akong pabayaan, Oh Panginoon: Oh Dios ko, huwag kang lumayo sa akin. |
|
| 22 |
|
| Magmadali kang tulungan mo ako, Oh Panginoon na aking kaligtasan. |
|
|
|
|