Panginoon kong Dios, wala kayong katulad. Napakarami ng kahanga-hangang bagay na inyong ginawa para sa amin, at ang inyong mga plano para sa amin ay marami rin. Sa dami ng mga itoʼy hindi ko na kayang banggitin.
Hindi kayo nalulugod sa ibaʼt ibang klaseng handog. Hindi kayo humihingi ng handog na sinusunog at handog para sa kasalanan. Sa halip, ginawa nʼyo akong masunurin sa inyo.
Sa malaking pagtitipon ng inyong mga mamamayan, inihayag ko ang inyong pagliligtas sa akin. At alam nʼyo, Panginoon, na hindi ako titigil sa paghahayag nito.
Hindi ko sinasarili ang pagliligtas nʼyo sa akin. Ibinabalita ko na kayo ay nagliligtas at maaasahan. Hindi ako tumatahimik kapag nagtitipon ang inyong mga mamamayan. Sinasabi ko sa kanila ang inyong pag-ibig at katotohanan.
Hindi ko na kayang bilangin ang napakarami kong suliranin. Para na akong natabunan ng marami kong kasalanan, kaya hindi na ako makakita. Ang bilang ng aking mga kasalanan ay mas marami pa kaysa sa aking buhok. Dahil dito, halos mawalan na ako ng pag-asa.
Ngunit ang mga lumalapit sa inyo ay magalak sana at magsaya. Ang mga nagpapahalaga sa inyong pagliligtas ay lagi sanang magsabi, “Dakilain ang Panginoon!”
Ako naman na dukha at nangangailangan, alalahanin nʼyo ako, Panginoon. Kayo ang tumutulong sa akin. Kayo ang aking Tagapagligtas. Aking Dios, agad nʼyo akong tulungan.