Mapalad ang taong pinili nʼyo at inanyayahang manirahan sa inyong templo. Lubos kaming magagalak sa mga kabutihang nasa inyong tahanan, ang inyong banal na templo.
O Dios na aming Tagapagligtas, tinugon nʼyo ang aming mga dalangin sa pamamagitan ng inyong kamangha-manghang pagliligtas sa amin. Kayo ang pag-asa ng tao sa lahat ng lupain at maging ng manlalayag sa malawak na dagat.
Dahil sa inyong mga kahanga-hangang ginawa, namamangha sa inyo pati ang mga nakatira sa malayong lugar. Mula sa silangan hanggang kanluran, ang mga tao ay napapasigaw sa tuwa dahil sa inyo.
Inaalagaan nʼyo ang lupa at dinidiligan ng ulan. Pinabubunga at pinatataba nʼyo ito. Ang mga ilog, O Dios, ay patuloy nʼyong pinaaagos. Binibigyan nʼyo ng ani ang mga tao. Ganito ang itinakda ninyo.
Ang mga parang ay punong-puno ng mga grupo ng tupa at kambing at pawang mga pananim ang makikita sa kapatagan. Ang lahat ng mga lugar na ito ay parang mga taong umaawit at sumisigaw sa kagalakan.