Nawa silang naghahangad na ako ay salakayin, lahat sila ay mawasak, at mabigo ang layunin! Maging yaong mga taong tanging nais ako'y saktan, mapahamak sanang lahat, mag-ani ng kahihiyan.
Matanda na't puti na ang aking buhok, huwag akong iiwanan, ang samo ko sa iyo, O Diyos. Hayaan mong ihayag ko ang lakas mong tinataglay, samahan sa bawat lahing sa daigdig ay lilitaw.
Tutugtugin ko ang alpa't pupurihin kitang tunay, pupurihin kita, O Diyos, dahil sa iyong katapatan. Mga imno ng papuri sa alpa ko'y tutugtugin, iuukol ko ang tugtog sa iyo, Banal na Diyos ng Israel.
Maghapon kong isasaysay, O Diyos, ang iyong katarungan, yamang lahat na nagtangka, sa lingkod mo ay nasaktan, lahat sila ay nabigo't humantong sa kahihiyan.