×

Ang Biblia 1905 TLAB

Awit 75

1
Kami ay nagpapasalamat sa iyo, Oh Dios: kami ay nagpapasalamat, sapagkat ang iyong pangalan ay malapit: isinasaysay ng mga tao ang iyong mga kagilagilalas na gawa.
2
Pagka aking nakamtan ang takdang kapanahunan, hahatol ako ng matuwid.
3
Ang lupa at lahat na tagarito ay natutunaw: aking itinayo ang mga haligi niyaon. (Selah)
4
Aking sinabi sa hambog, Huwag kang gumawang may kahambugan: at sa masama, Huwag kang magtaas ng sungay:
5
Huwag mong itaas ang iyong sungay ng mataas; huwag kang magsalitang may matigas na ulo.
6
Sapagkat hindi man mula sa silanganan, o mula man sa kalunuran, o mula man sa timugan, ang pagkataas.
7
Kundi ang Dios ay siyang hukom: kaniyang ibinababa ang isa, at itinataas ang isa.
8
Sapagkat sa kamay ng Panginoon ay may isang saro, at ang alak ay bumubula; puno ng pagkakahalohalo, at kaniyang inililiguwak din: tunay na ibubuhos ng lahat na masama sa lupa ang latak, at iinumin.
9
Ngunit aking ipahahayag magpakailan man, akoy aawit ng mga kapurihan sa Dios ni Jacob.
10
Lahat ng mga sungay naman ng masama ay aking ihihiwalay; ngunit ang mga sungay ng matuwid ay matataas.
Tagalog Bible 1905 TLAB
Ang Biblia Philippine Bible Society, 1982
:
I-save ang Mga Tala