|
| 1 |
|
| Ako'y dadaing ng aking tinig sa Dios; sa Dios ng aking tinig; at kaniyang didinggin ako. |
|
| 2 |
|
| Sa kaarawan ng aking kabagabagan ay hinahanap ko ang Panginoon: ang kamay ko'y nakaunat sa gabi, at hindi nangangalay; tumatangging maaliw ang kaluluwa ko. |
|
| 3 |
|
| Naaalaala ko ang Dios, at ako'y nababalisa: ako'y nagdaramdam, at ang diwa ko'y nanglulupaypay. (Selah) |
|
| 4 |
|
| Iyong pinupuyat ang mga mata ko: ako'y totoong nababagabag na hindi ako makapagsalita. |
|
| 5 |
|
| Aking ginunita ang mga araw ng una, ang mga taon ng dating mga panahon. |
|
| 6 |
|
| Aking inaalaala ang awit ko sa gabi: sumasangguni ako sa aking sariling puso; at ang diwa ko'y masikap na nagsiyasat. |
|
| 7 |
|
| Magtatakuwil ba ang Panginoon magpakailan man? At hindi na baga siya lilingap pa? |
|
| 8 |
|
| Ang kaniya bang kagandahang-loob ay lubos na nawala magpakailan man? Natapos na bang walang hanggan ang kaniyang pangako? |
|
| 9 |
|
| Nakalimot na ba ang Dios na magmaawain? Kaniya bang tinakpan ng kagalitan ang kaniyang malumanay na mga kaawaan? (Selah) |
|
| 10 |
|
| At aking sinabi, Ito ang sakit ko; nguni't aalalahanin ko ang mga taon ng kanan ng Kataastaasan. |
|
| 11 |
|
| Babanggitin ko ang mga gawa ng Panginoon; sapagka't aalalahanin ko ang mga kabagabagan mo ng una. |
|
| 12 |
|
| Bubulayin ko ang lahat ng iyong gawa, at magmumuni tungkol sa iyong mga gawa. |
|
| 13 |
|
| Ang iyong daan, Oh Dios, ay nasa santuario: sino ang dakilang dios na gaya ng Dios? |
|
| 14 |
|
| Ikaw ay Dios na gumagawa ng mga kagilagilalas: iyong ipinakilala ang kalakasan mo sa gitna ng mga tao. |
|
| 15 |
|
| Iyong tinubos ng kamay mo ang iyong bayan, ang mga anak ng Jacob at ng Jose. (Selah) |
|
| 16 |
|
| Nakita ka ng tubig, Oh Dios; nakita ka ng tubig, sila'y nangatakot: ang mga kalaliman din naman ay nanginig. |
|
| 17 |
|
| Ang mga alapaap ay nangaglagpak ng tubig; ang langit ay humugong: ang mga pana mo naman ay nagsihilagpos. |
|
| 18 |
|
| Ang tinig ng iyong kulog, ay nasa ipoipo; tinanglawan ng mga kidlat ang sanglibutan: ang lupa ay nayanig at umuga. |
|
| 19 |
|
| Ang daan mo'y nasa dagat, at ang mga landas mo'y nasa malalawak na tubig, at ang bakas mo'y hindi nakilala. |
|
| 20 |
|
| Iyong pinapatnubayan ang iyong bayan na parang kawan, sa pamamagitan ng kamay ni Moises at ni Aaron. |
|
|
|
|