|
| 1 |
|
| Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo, ipakita mo ngayon ang karapatang ganito. |
|
| 2 |
|
| Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol, ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol. |
|
| 3 |
|
| Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama? Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa? |
|
| 4 |
|
| Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog, upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot? |
|
| 5 |
|
| Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo, Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo. |
|
| 6 |
|
| Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa, pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa. |
|
| 7 |
|
| Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh, hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.” |
|
| 8 |
|
| Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan; hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang? |
|
| 9 |
|
| Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga, akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita? |
|
| 10 |
|
| Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol? Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong? |
|
| 11 |
|
| Batid ni Yahweh mga plano nating baluktot, katulad lang ng hininga, madaling malagot. |
|
| 12 |
|
| Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral, silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan. |
|
| 13 |
|
| Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan, hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay. |
|
| 14 |
|
| Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan, itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan; |
|
| 15 |
|
| mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan, diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay. |
|
| 16 |
|
| Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama? Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa? |
|
| 17 |
|
| O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan, akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan. |
|
| 18 |
|
| Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,” dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag. |
|
| 19 |
|
| Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin, ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin. |
|
| 20 |
|
| Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama, na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama? |
|
| 21 |
|
| Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban, ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan. |
|
| 22 |
|
| Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol. Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan. |
|
| 23 |
|
| Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti, lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti; ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh. |
|
|
|
|