|
| 1 |
|
| Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa. Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan. |
|
| 2 |
|
| Kayo ang humahatol sa lahat ng tao, kaya sige na po Panginoon, gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang. |
|
| 3 |
|
| Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon? |
|
| 4 |
|
| Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang. |
|
| 5 |
|
| Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon. |
|
| 6 |
|
| Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan. |
|
| 7 |
|
| Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin; ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.” |
|
| 8 |
|
| Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa? Unawain ninyo ito: |
|
| 9 |
|
| Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita? |
|
| 10 |
|
| Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo? Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman? |
|
| 11 |
|
| Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan. |
|
| 12 |
|
| O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan. |
|
| 13 |
|
| Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan. |
|
| 14 |
|
| Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo. |
|
| 15 |
|
| Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid. |
|
| 16 |
|
| Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon. |
|
| 17 |
|
| Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon. |
|
| 18 |
|
| Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin. |
|
| 19 |
|
| Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya. |
|
| 20 |
|
| Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng kautusan. |
|
| 21 |
|
| Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan. |
|
| 22 |
|
| Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan. |
|
| 23 |
|
| Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan. Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios. |
|
|
|
|