Sa pamamagitan ng mga kawikaang ito, magkakaroon ka ng karunungan, maitutuwid mo ang iyong ugali at mauunawaan mo ang mga aral na magbibigay sa iyo ng karunungan.
Sa pamamagitan din nitoʼy magiging disiplinado ka, dahil itinuturo nito ang matuwid na paraan ng pamumuhay, mabuting pag-uugali, paggawa ng tama, at pagiging makatarungan.
Ang pagkatakot sa Panginoon na may paggalang ang simula ng karunungan. Ngunit sa hangal, walang halaga ang karunungan at ayaw niyang maturuan upang maituwid ang kanyang pag-uugali.
“Kayong mga walang alam, hanggang kailan kayo mananatiling ganyan? Kayong mga nanunuya, hanggang kailan kayo matutuwa sa inyong panunuya? Kayong mga hangal, hanggang kailan ninyo tatanggihan ang karunungan?
Pagtatawanan ko kayo kapag napahamak kayo; kukutyain ko kayo kapag dumating sa inyo ang paghihirap at mga pangyayaring nakakatakot gaya ng ipu-ipo at bagyo.
Sapagkat ang katigasan ng ulo ng mga taong walang karunungan ang papatay sa kanila, at ang pagsasawalang-bahala ng mga hangal ang magpapahamak sa kanila.