|
| 1 |
|
| Ang malumanay na sagot, nakapapawi ng galit, ngunit sa tugong marahas, poot ay hindi mawawaglit. |
|
| 2 |
|
| Ang dila ng may unawa ay nagbubunga ng kaalaman, ngunit ang bibig ng mangmang ay bukal ng kahangalan. |
|
| 3 |
|
| Ang paningin ni Yahweh ay nakatuon sa lahat ng lugar, ang masama at mabuti ay pawang minamasdan. |
|
| 4 |
|
| Ang magiliw na salita ay nagpapasigla sa buhay, ngunit ang matalas na pangungusap ay masakit sa kalooban. |
|
| 5 |
|
| Di pansin ng mangmang ang turo ng kanyang ama, ngunit dinirinig ng may isip ang paalala sa kanya. |
|
| 6 |
|
| Ang tahanan ng matuwid ay puno ng kayamanan, ngunit ang masama'y nagkukulang sa lahat ng kailangan. |
|
| 7 |
|
| Ang labi ng may unawa ay nagkakalat ng karunungan, ngunit hindi ganoon ang hangad ng isang mangmang. |
|
| 8 |
|
| Kasuklam-suklam kay Yahweh ang handog ng masama, ngunit sa panalangin ng matuwid siya ay natutuwa. |
|
| 9 |
|
| Sa gawaing masama, si Yahweh ay namumuhi, ngunit kanyang minamahal ang sa katuwiran lumalagi. |
|
| 10 |
|
| Ang gumawa ng masama ay tatanggap ng parusa, at tiyak na mamamatay ang ayaw ng paalala. |
|
| 11 |
|
| Kung paanong ang daigdig ng mga patay ay hayag kay Yahweh, ang laman ng puso sa kanya'y di maikukubli. |
|
| 12 |
|
| Ayaw mapagsasabihan ang mga palalo, at sa matatalino'y di hihingi ng payo. |
|
| 13 |
|
| Ang taong masayahin ay laging nakangiti, ngunit ang may lumbay ay wari bang nakangiwi. |
|
| 14 |
|
| Ang taong may unawa ay naghahangad pa ng karunungan, ngunit ang mangmang ay nasisiyahan na sa kanyang kahangalan. |
|
| 15 |
|
| Lahat ng araw ng mahirap ay puno ng pakikipagbaka, ngunit ang masayahin, saganang piging ang kagaya. |
|
| 16 |
|
| Ang mahirap na gumagalang at sumusunod kay Yahweh, ay mas mainam kaysa mayamang panay hirap naman ang kalooban. |
|
| 17 |
|
| Mas masarap ang isang plato ng gulay na inihaing may pag-ibig kaysa isang matabang baka na inihaing may galit. |
|
| 18 |
|
| Ang mainit na ulo ay humahantong sa alitan, ngunit pumapayapa sa kaguluhan ang mahinahong isipan. |
|
| 19 |
|
| Ang landas ng batugan ay punung-puno ng tinik, ngunit patag na lansangan ang daan ng matuwid. |
|
| 20 |
|
| Ang anak na may unawa ay kaligayahan ng isang ama, ngunit ang isang mangmang ay kahihiyan ng kanyang ina. |
|
| 21 |
|
| Ang mga walang isip ay natutuwa sa mga bagay na kahangalan, ngunit lumalakad nang matuwid ang taong may kaalaman. |
|
| 22 |
|
| Ang isang balak na mabilis ay di papakinabangan, ngunit ang planong pinag-aralan ay magtatagumpay. |
|
| 23 |
|
| Ang matalinong pananalita ay nagdudulot ng kasiyahan, at ang salitang angkop sa pagkakataon, may dulot na pakinabang. |
|
| 24 |
|
| Sa mga marunong, ang daan ng buhay ay pataas, upang maiwasan ang daigdig ng mga patay. |
|
| 25 |
|
| Wawasakin ni Yahweh ang bahay ng hambog, ngunit ang tahanan ng isang biyuda ay iingatan ng Diyos. |
|
| 26 |
|
| Kasuklam-suklam kay Yahweh ang iniisip ng masama, ngunit kasiyahan niya ang pangungusap ng may malinis na diwa. |
|
| 27 |
|
| Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan, ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal. |
|
| 28 |
|
| Tinitimbang ng matuwid kung ano ang sasabihin, ngunit di na iniisip ng masama ang kanyang sasalitain. |
|
| 29 |
|
| Pinapakinggan ni Yahweh ang daing ng matuwid, ngunit ang panawagan ng masama ay hindi dinirinig. |
|
| 30 |
|
| Ang masayang ngiti sa puso ay kasiyahan, at ang mabuting balita ay may dulot na kalusugan. |
|
| 31 |
|
| Ang marunong makinig sa paalala ay mayroong unawa at mabuting pasya. |
|
| 32 |
|
| Ipinapahamak ang sarili ng ayaw makinig sa pangaral, ngunit ang nagpapahalaga sa paalala ay nagdaragdag ng kaalaman. |
|
| 33 |
|
| Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay nagtuturo ng karunungan, at ang pagpapakumbaba ay nagbubunga ng karangalan. |
|
|
|
|