|
| 1 |
|
| Kahit tinapay ang kinakain ngunit may kapayapaan, mabuting di hamak kaysa malaki ngunit magulong handaan. |
|
| 2 |
|
| Ang tusong alipin ay makakahati pa sa mamanahin, ng anak ng kanyang amo kung ito'y inutil. |
|
| 3 |
|
| Dinadalisay sa apoy ang ginto at pilak, ngunit sa puso ng tao'y si Yahweh ang sumisiyasat. |
|
| 4 |
|
| Ang taong masama ay nakikinig sa payo ng masama, at ang sinungaling ay sumusunod sa baluktot na dila. |
|
| 5 |
|
| Ang nanlalait sa mahirap ay humahamak sa Maykapal, at ang nagagalak sa kapahamakan ng iba'y mayroon ding pananagutan. |
|
| 6 |
|
| Ang mga apo ay putong ng katandaan; ang karangalan ng mga anak ay ang kanilang magulang. |
|
| 7 |
|
| Ang pinong pananalita ay di mahahanap sa mangmang, ni ang kasinungalingan sa taong marangal. |
|
| 8 |
|
| Sa paniwala ng iba ang suhol ay parang salamangka; kaya lahat ay makukuha kung may pansuhol ka. |
|
| 9 |
|
| Ang pagpapatawad sa kapwa ay nagpapasarap sa samahan, ngunit ang pagkakalat ng kahinaan ay sumisira ng pagkakaibigan. |
|
| 10 |
|
| Ang matalino'y natututo sa isang salita ngunit ang mangmang ay hindi, hampasin mang walang awa. |
|
| 11 |
|
| Ang nais ng masama'y paghihimagsik, kaya ipadadala sa kanya'y isang sugong malupit. |
|
| 12 |
|
| Mabuti pang harapin ang inahing osong inagawan ng anak kaysa kausapin ang isang mangmang na lublob sa kahangalan. |
|
| 13 |
|
| Kapag masama ang iginanti sa mabuting ginawa, ang kapahamakan sa buhay ay di mawawala. |
|
| 14 |
|
| Ang simula ng kaguluha'y parang butas sa isang dike; na dapat ay sarhan bago ito lumaki. |
|
| 15 |
|
| Ang humahatol sa walang kasalanan at ang umaayon sa kasamaan, kay Yahweh ay kapwa kasuklam-suklam. |
|
| 16 |
|
| Walang katuturan ang gumugol para sa pag-aaral, ng isang taong pumili na siya'y maging mangmang. |
|
| 17 |
|
| Ang kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon, at sa oras ng kagipita'y kapatid na tumutulong. |
|
| 18 |
|
| Ang mangangakong magbayad para sa utang ng iba, kamangmangang maituturing ang kanyang ginagawa. |
|
| 19 |
|
| Ang umiibig sa kaguluhan ay umiibig sa kasalanan; at ang mayayabang ay naghahanap ng kapahamakan. |
|
| 20 |
|
| Ang masamang isipan ay hindi uunlad, ang sinungaling ay aabot sa kasawiang-palad. |
|
| 21 |
|
| Ang mga magulang ng anak na mangmang, sakit sa damdamin ang nararanasan. |
|
| 22 |
|
| Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan, at ang malungkuti'y unti-unting namamatay. |
|
| 23 |
|
| Ang katarungan ay hindi nakakamtan, kung itong masama, suhol ay patulan. |
|
| 24 |
|
| Karunungan ang pangarap ng taong may unawa, ngunit ang isip ng mangmang ay pagala-gala. |
|
| 25 |
|
| Ang hangal na anak ay problema ng kanyang ama at pabigat sa damdamin ng kanyang ina. |
|
| 26 |
|
| Ang pagpaparusa sa matuwid ay hindi makatuwiran, maging ang pagpapahirap sa taong buhay marangal. |
|
| 27 |
|
| Nagtataglay ng kaalaman ang maingat magsalita, ang mahinahon ay taong may pagkaunawa. |
|
| 28 |
|
| Ang mangmang na hindi madaldal ay iisiping marunong; kung hindi siya masalita at ang bibig ay laging tikom. |
|
|
|
|