|
| 1 |
|
| Ang mabuting pangalan ay dapat piliin, kaysa malaking kayamanan, at mabuti kaysa pilak at ginto ang magandang kalooban. |
|
| 2 |
|
| Ang mayaman at ang dukha ay nagkakasalubong kapwa; ang PANGINOON ang sa kanilang lahat ay gumawa. |
|
| 3 |
|
| Ang matalinong tao ay nakakakita ng panganib at nagkukubli siya, ngunit nagpapatuloy ang walang muwang at siya'y nagdurusa. |
|
| 4 |
|
| Ang gantimpala sa pagpapakumbaba at takot sa PANGINOON ay kayamanan, karangalan, at buhay. |
|
| 5 |
|
| Nasa daan ng mandaraya ang mga tinik at silo, ang nag-iingat ng kanyang sarili, sa mga iyon ay lalayo. |
|
| 6 |
|
| Sanayin mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran, at kapag tumanda na siya ay hindi niya ito tatalikuran. |
|
| 7 |
|
| Ang namumuno sa dukha ay ang mayaman, at ang nanghihiram ay alipin ng nagpapahiram. |
|
| 8 |
|
| Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan; at ang pamalo ng kanyang poot ay di magtatagumpay. |
|
| 9 |
|
| Ang may mga matang mapagbigay ay pinagpapala, sapagkat nagbibigay siya ng kanyang tinapay sa mga dukha. |
|
| 10 |
|
| Itaboy mo ang manlilibak, at ang pagtatalo ay aalis; ang pag-aaway at pang-aapi ay matitigil. |
|
| 11 |
|
| Siyang umiibig ng kalinisan ng puso, at mabiyaya ang pananalita, ang hari ay magiging kaibigan niya. |
|
| 12 |
|
| Ang mga mata ng PANGINOON ay nagbabantay sa kaalaman, ngunit ang mga salita ng taksil ay kanyang ibinubuwal. |
|
| 13 |
|
| Sinasabi ng tamad, "May leon sa labas! Mapapatay ako sa mga lansangan!" |
|
| 14 |
|
| Ang bibig ng masamang babae ay isang malalim na hukay; siyang kinapopootan ng PANGINOON doon ay mabubuwal. |
|
| 15 |
|
| Nakabalot sa puso ng bata ang kahangalan, ngunit inilalayo ito sa kanya ng pamalo ng pagsaway. |
|
| 16 |
|
| Ang umaapi sa dukha upang magpalago ng kanyang kayamanan, at nagbibigay sa mayaman, ay hahantong lamang sa kasalatan. |
|
| 17 |
|
| Ito ang mga salita ng pantas: Ikiling mo ang iyong pandinig, at dinggin mo ang aking mga salita, at gamitin mo ang iyong isip sa aking kaalaman. |
|
| 18 |
|
| Sapagkat magiging kaaya-aya kung ito'y iyong iingatan sa loob mo, kung mahahandang magkakasama sa mga labi mo. |
|
| 19 |
|
| Upang malagak sa PANGINOON ang tiwala mo, aking ipinakilala sa iyo sa araw na ito, oo, sa iyo. |
|
| 20 |
|
| Hindi ba ako sumulat sa iyo ng tatlumpung kasabihan, ng mga pangaral at kaalaman; |
|
| 21 |
|
| upang ipakita sa iyo ang matuwid at totoo, upang maibigay mo ang totoong sagot sa mga nagsugo sa iyo? |
|
| 22 |
|
| Huwag mong nakawan ang dukha, sapagkat siya'y dukha, ni gipitin man ang nagdadalamhati sa pintuang bayan; |
|
| 23 |
|
| sapagkat ipinaglalaban ng PANGINOON ang panig nila, at sinasamsaman ng buhay ang sumasamsam sa kanila. |
|
| 24 |
|
| Huwag kang makipagkaibigan sa taong magagalitin, at huwag kang sasama sa taong bugnutin; |
|
| 25 |
|
| baka matutuhan mo ang kanyang mga lakad, at ang kaluluwa mo ay mahulog sa bitag. |
|
| 26 |
|
| Huwag kang maging isa sa kanila na nagbibigay sangla, o sa kanila na nananagot sa mga utang. |
|
| 27 |
|
| Kung wala kang maibibigay na kabayaran, bakit kailangang kunin sa ilalim mo ang iyong higaan? |
|
| 28 |
|
| Huwag mong alisin ang lumang batong hangganan, na inilagay ng iyong mga magulang. |
|
| 29 |
|
| Nakikita mo ba ang taong mahusay sa kanyang gawain? Siya'y tatayo sa harap ng mga hari, hindi siya tatayo sa harap ng mga taong hamak. |
|
|
|
|