|
| 1 |
|
| Mas mabuting piliin ang malinis na pangalan kaysa sa maraming kayamanan. Ang paggalang ng tao sa iyo ay mas mahalaga pa kaysa pilak at ginto. |
|
| 2 |
|
| Ang Panginoon ang lumikha sa tao, mayaman man o mahirap. |
|
| 3 |
|
| Ang taong may pang-unawa ay umiiwas kung may panganib, ngunit ang hangal ay sumusuong sa panganib, kaya napapahamak. |
|
| 4 |
|
| Ang paggalang sa Panginoon at pagpapakumbaba ay magdudulot sa iyo ng mahabang buhay, kayamanan at karangalan. |
|
| 5 |
|
| Lumalakad ang taong masama sa daang matinik at may mga patibong. Ang nag-iingat sa sarili ay umiiwas sa daang iyon. |
|
| 6 |
|
| Ituro sa bata ang tamang pag-uugali, at hindi niya ito malilimutan hanggang sa kanyang pagtanda. |
|
| 7 |
|
| Ang mahihirap ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng mayayaman, at ang nangungutang ay alipin ng nagpapautang. |
|
| 8 |
|
| Ang naghahasik ng kasamaan ay aani ng kapahamakan, at matitigil na ang kanyang pamiminsala sa iba. |
|
| 9 |
|
| Ang nagbibigay ng pagkain sa dukha ay tiyak na pagpapalain. |
|
| 10 |
|
| Kapag pinalayas mo ang mga taong nanunuya, mawawala na ang alitan, kaguluhan at pang-iinsulto. |
|
| 11 |
|
| Ang taong may malinis na puso at mahinahon magsalita ay magiging kaibigan ng hari. |
|
| 12 |
|
| Binabantayan ng Panginoon ang mga taong may karunungan, ngunit sinisira niya ang plano ng mga taksil. |
|
| 13 |
|
| Ang taong tamad ay laging may dahilan, sinasabi niyang baka siya ay lapain ng leon sa daan. |
|
| 14 |
|
| Salita ng masamang babae ay parang malalim na hukay, at doon nahuhulog ang kinamumuhian ng Panginoon. |
|
| 15 |
|
| Likas sa mga bata ang pagiging pilyo, ngunit magiging matuwid sila kung didisiplinahin. |
|
| 16 |
|
| Ang nagreregalo sa mayaman o nang-aapi sa mahihirap para yumaman ay hahantong din sa karalitaan. |
|
| 17 |
|
| Pakinggan mo ang mga sinasabi ng marurunong. Pakinggan mong mabuti habang itinuturo ko ito sa iyo, |
|
| 18 |
|
| dahil magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan kung malalaman mo ito at masasaulo. |
|
| 19 |
|
| Itinuturo ko ito sa iyo ngayon upang magtiwala ka sa Panginoon. |
|
| 20 |
|
| Ang 30 Kawikaang ito na isinulat ko ay magdudulot sa iyo ng mga karunungan at payo. |
|
| 21 |
|
| Sa pamamagitan nitoʼy malalaman mo ang mga katotohanan at masasagot mo ang mga magtatanong sa iyo. |
|
| 22 |
|
| Huwag mong abusuhin ang mga mahihirap o apihin man sila sa mga hukuman, |
|
| 23 |
|
| sapagkat ipagtatanggol sila ng Panginoon. Anuman ang gawin ninyong masama sa kanila ay gagawin din niya sa inyo. |
|
| 24 |
|
| Huwag kang makipagkaibigan sa taong madaling magalit, |
|
| 25 |
|
| baka mahawa ka sa kanya, at mabulid sa ganoong pag-uugali. |
|
| 26 |
|
| Huwag kang mangangako na magbabayad sa utang ng iba, |
|
| 27 |
|
| dahil kapag hindi ka nakabayad, kukunin nila pati ang higaan mo. |
|
| 28 |
|
| Huwag mong aalisin ang mga muhon na inilagay noon ng mga ninuno mo. |
|
| 29 |
|
| Ang taong mahusay magtrabaho ay maglilingkod sa mga hari at hindi sa pangkaraniwang tao. |
|
|
|
|