|
| 1 |
|
| Narito pa ang mga kawikaan ni Solomon; tinipon at kinopya ng mga tauhan ni Hezekias na hari ng Juda. |
|
| 2 |
|
| Kaluwalhatian ng Diyos na balutin ng hiwaga ang lahat ng bagay, at karangalan naman ng hari na ito'y saliksikin. |
|
| 3 |
|
| Isipan ng hari'y mahirap malaman, ito'y sintaas ng langit, sinlalim ng karagatan. |
|
| 4 |
|
| Kapag ang pilak ay dalisay, may magagawa na ang panday. |
|
| 5 |
|
| Kapag ang masamang tagapayo'y naalis sa paligid ng hari, ang katarungan ang mamamalagi. |
|
| 6 |
|
| Huwag kang magmamataas sa harap ng hari, ni ihanay ang sarili sa mga taong pili. |
|
| 7 |
|
| Pagkat mas mabuting sabihin sa iyong, “Halika rito,” kaysa hamakin ka sa harap ng marami. |
|
| 8 |
|
| Ang nakita mo'y huwag agad dalhin sa hukuman, baka sa bandang huli'y lumabas ka pang may kasalanan. |
|
| 9 |
|
| Kung may alitan kayo ng iyong kapwa, ilihim at lutasin agad at baka lumala. |
|
| 10 |
|
| Baka ito ay malantad sa kaalaman ng madla at kayo'y malagay sa kahiya-hiya. |
|
| 11 |
|
| Kapag angkop sa panahon ang salitang binigkas, para itong ginto sa lalagyang pilak. |
|
| 12 |
|
| Ang magandang payo sa marunong makinig ay higit na di hamak sa ginto o mamahaling alahas. |
|
| 13 |
|
| Ang sugong tapat ay kasiyahan ng nagsugo sa kanya, tulad ng malamig na tubig sa panahon ng tag-araw. |
|
| 14 |
|
| Ang taong puro pangako lamang ay parang ulap at hanging walang dalang ulan. |
|
| 15 |
|
| Sa malumanay na pakiusap pusong bato'y nababagbag, sa pagtitiyaga pati hari ay nahihikayat. |
|
| 16 |
|
| Huwag kakain ng labis na pulot-pukyutan at baka ito'y isuka mo lang. |
|
| 17 |
|
| Huwag mong dadalasan ang dalaw sa kapwa, baka siya mabagot at sa iyo'y magsawa. |
|
| 18 |
|
| Ang taong sumasaksi laban sa kapwa nang walang katotohanan ay tulad ng tabak, pambambo o palasong pumapatay. |
|
| 19 |
|
| Ang taksil na pinagtiwalaan sa panahon ng pangangailangan ay tulad ng ngiping umuuga at mga paang pilay. |
|
| 20 |
|
| Hapdi ang dulot ng awit sa pusong may sugat, parang asing ikinuskos sa gasgas na balat, parang paghuhubad ng damit sa panahon ng taglamig. |
|
| 21 |
|
| Kapag nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo at painumin kung siya'y nauuhaw. |
|
| 22 |
|
| Sa gayo'y mailalagay mo siya sa kahihiyan at tatanggap ka pa ng gantimpala mula kay Yahweh. |
|
| 23 |
|
| Kung paanong ang hanging timog ay nagdadala ng ulan, nagdadala naman ng galit ang paninira ng karangalan. |
|
| 24 |
|
| Masarap pa ang tumira sa bubungan ng bahay kaysa loob ng bahay na ang kasama'y asawang madaldal. |
|
| 25 |
|
| Kung paano ang malamig na tubig sa labing nauuhaw, gayon ang mabuting balita buhat sa malayong bayan. |
|
| 26 |
|
| Bukal na nilabo o balong nadumihan ang katulad ng matuwid na sa masama ay nakipagkaibigan. |
|
| 27 |
|
| Kung paanong masama ang labis na pulot-pukyutan, gayon din ang pagkagahaman sa karangalan. |
|
| 28 |
|
| Ang taong walang pagpipigil ay tulad ng lunsod na walang tanggulan, madaling masakop ng mga kaaway. |
|
|
|
|