Ang Salita ng Dios
|
| 1 |
| Ang taong ayaw magbago kahit palaging sinasaway ay bigla na lang mapapahamak at hindi na makakabangon pa. |
| 2 |
| Kapag matutuwid ang namamahala, nagdiriwang ang madla. Ngunit kapag ang nangunguna ay masama, silaʼy lumuluha. |
| 3 |
| Ang naghahangad ng karunungan ay nagdudulot ng tuwa sa magulang. Ang nakikisama sa babaeng bayaran ay nagwawaldas ng kayamanan. |
| 4 |
| Kapag ang layunin ng hari ay katarungan, pinatatatag niya ang kanyang kaharian, ngunit kapag ang layunin niya ay humingi ng suhol, winawasak niya ang kanyang kaharian. |
| 5 |
| Ang taong nagkukunwaring pumupuri sa kanyang kapwa ay may pinaplanong masama. |
| 6 |
| Ang taong masama ay mahuhuli sa sarili niyang kasalanan, ngunit ang matuwid ay aawit nang may kagalakan. |
| 7 |
| Kinikilala ng taong matuwid ang karapatan ng mahihirap, ngunit hindi ito maunawaan ng taong masama. |
| 8 |
| Ang mga taong nangungutya ay nagpapasimula ng gulo sa mga bayan, ngunit ang matatalino ang nagpapatigil nito. |
| 9 |
| Kapag inihabla ng marunong ang hangal ay wala ring kahihinatnan, dahil hindi titigil ang hangal sa pagdadaldal at panunuya. |
| 10 |
| Kinamumuhian at gustong patayin ng mamamatay-tao ang mga taong namumuhay nang matuwid at walang kapintasan. |
| 11 |
| Ang taong hangal ay hindi makapagpigil sa kanyang galit, ngunit ang taong marunong ay nakapagpipigil ng kanyang sarili. |
| 12 |
| Kapag ang pinuno ay naniniwala sa kasinungalingan, lahat ng lingkod niyaʼy mabubuyo sa kasamaan. |
| 13 |
| Ang mahirap at ang mapang-api ay parehong binigyan ng Panginoon ng paningin. |
| 14 |
| Kapag ang hari ay makatarungan sa mga mahihirap, paghahari niyaʼy magtatagal. |
| 15 |
| Ang pagpalo sa bata upang siya ay ituwid ay makapagtuturo sa kanya ng karunungan, ngunit kung pababayaan lang siya, makapagbibigay siya ng kahihiyan sa kanyang magulang. |
| 16 |
| Kapag masama ang namumuno, nadadagdagan ang kasamaan. Ngunit sila ay mapapahamak at makikita ito ng mga matuwid. |
| 17 |
| Disiplinahin mo ang iyong anak at bibigyan ka niya ng kapayapaan at kaligayahan. |
| 18 |
| Kapag tinanggihan ng isang bansa ang turo at gabay ng Dios, wala itong kapayapaan. Mapalad ang mga taong sumusunod sa turo ng Dios. |
| 19 |
| May mga utusan na hindi mo maturuan sa pamamagitan lamang ng salita, sapagkat kahit nauunawaan ka nila, hindi sila nakikinig. |
| 20 |
| Mas mabuti pa ang kahihinatnan ng mangmang kaysa sa taong pabigla-biglang magsalita. |
| 21 |
| Kung mula pagkabata ng iyong utusan ay sinusunod mo ang layaw niya, sa huli ay magiging problema mo siya. |
| 22 |
| Ang taong madaling magalit ay nagpapasimula ng gulo, at palaging nagkakasala. |
| 23 |
| Ang kayabangan ng tao ang magbibigay sa kanya ng kahihiyan, ngunit ang pagpapakumbaba ang magbibigay sa kanya ng karangalan. |
| 24 |
| Ang taong nakikipagsabwatan sa magnanakaw ay ipinapahamak ang kanyang sarili. Kahit na pasumpain siya na magsabi ng totoo ay hindi pa rin magsasabi. |
| 25 |
| Mapanganib kung tayo ay matatakutin. Ngunit kung magtitiwala tayo sa Panginoon ay ligtas tayo. |
| 26 |
| Maraming lumalapit sa pinuno upang humingi ng pabor, ngunit tanging ang Panginoon lang ang makapagbibigay ng katarungan. |
| 27 |
| Kinasusuklaman ng mga matuwid ang masasama, at kinasusuklaman din naman ng masasama ang mga matuwid. |
|
| I-save ang Mga Tala |
https://beblia.bible:81/BibleAudio/tagalog2015/proverbs/029.mp3
31
29