|
| 1 |
|
| Anak ko, ang aral ko ay huwag mong lilimutin, lahat ng aking utos sa isipan mo'y itanim; |
|
| 2 |
|
| upang araw mo'y tumagal, humaba ang iyong buhay, at maging masagana sa lahat ng kailangan. |
|
| 3 |
|
| Pananalig at katapata'y huwag mong tatalikuran, ikuwintas sa iyong leeg at itanim sa isipan. |
|
| 4 |
|
| Sa gayon, malulugod sa iyo ang Diyos, at kikilalanin ka ng mga tao. |
|
| 5 |
|
| Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan. |
|
| 6 |
|
| Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin. |
|
| 7 |
|
| Huwag mong ipagyabang ang iyong nalalaman; igalang mo't sundin si Yahweh, at lumayo ka sa kasamaan. |
|
| 8 |
|
| Sa gayon, ikaw ay lalakas at magiging matatag, mawawala ang pighati, gagaling ang iyong sugat. |
|
| 9 |
|
| Parangalan mo si Yahweh sa pamamagitan ng iyong mga kayamanan, at mula sa iyong mga pinakamainam na ani, siya ay iyo ring handugan. |
|
| 10 |
|
| Sa gayon, kamalig mo ay lagi nang aapaw, sisidlan ng inumin ay hindi nga matutuyuan. |
|
| 11 |
|
| Aking anak, ang saway ni Yahweh ay huwag mamaliitin, at ang kanyang pagtutuwid ay huwag mong itakwil, |
|
| 12 |
|
| pagkat lahat ng mahal niya'y itinatama ng daan, tulad ng anak na minamahal, sinasaway ng magulang. |
|
| 13 |
|
| Mapalad ang isang taong nakasumpong ng karunungan, at ang taong nagsisikap, unawa ay nagtatamo. |
|
| 14 |
|
| Higit pa sa pilak ang pakinabang dito, at higit sa gintong lantay ang tubo nito. |
|
| 15 |
|
| Sa alinmang alahas ay higit ang karunungan, at walang kayamanang dito ay maipapantay. |
|
| 16 |
|
| Mahabang buhay ang dulot ng kaalaman, may taglay na kayamanan at may bungang karangalan. |
|
| 17 |
|
| Maaliwalas ang landas ng taong may kaalaman, at puno ng kapayapaan ang lahat niyang araw. |
|
| 18 |
|
| Mapalad nga ang taong may taglay na karunungan, para siyang punongkahoy na mabunga kailanman. |
|
| 19 |
|
| Karunungan ang ginamit ni Yahweh sa paglikha sa daigdig, sa pamamagitan ng talino, inayos niya ang buong langit. |
|
| 20 |
|
| Dahil sa kaalaman niya'y umaagos itong tubig, pumapatak nga ang ulan mula doon sa langit. |
|
| 21 |
|
| Aking anak, karunungan at hinahon ay huwag mong iwawala, huwag babayaang makaalpas sa isipan at gunita. |
|
| 22 |
|
| Pagkat dulot nito'y masagana at marangal na pamumuhay. |
|
| 23 |
|
| At kung magkagayo'y lalakad kang matiwasay, sa landas mo'y hindi ka matatalisod. |
|
| 24 |
|
| Sa lahat ng iyong lakad wala kang aalalahanin, at lahat ng pagtulog mo ay masarap at mahimbing. |
|
| 25 |
|
| Kahit hampas nitong bagyo ay dumating nang biglaan, hindi ka mababagabag tulad ng mga mangmang. |
|
| 26 |
|
| Pagkat tiwala kang si Yahweh ang kaagapay mo, at di niya hahayaang sa bitag ika'y masilo. |
|
| 27 |
|
| Ang kagandahang-loob ay huwag ipagkait sa kapwa, kung ika'y may kakayahan na ito ay magawâ. |
|
| 28 |
|
| Kung mayroon ka ngayon ng kanyang kailangan, huwag nang sasabihing, “Bumalik ka't bukas ibibigay.” |
|
| 29 |
|
| Huwag gagawan ng masama ang iyong kaibigan na sa iyo'y umaasa, at may tiwalang lubusan. |
|
| 30 |
|
| Huwag makikipag-away nang walang sapat na dahilan, kung hindi ka ginagawan ng anumang kasamaan. |
|
| 31 |
|
| Huwag kang maiinggit sa taong marahas ni lalakad man sa masama niyang landas. |
|
| 32 |
|
| Pagkat si Yahweh ay nasusuklam sa mga isipang baluktot, ngunit nalulugod siya sa taong sa kanya ay may takot. |
|
| 33 |
|
| Ang sumpa ni Yahweh ay di lalayo sa masama, ngunit ang mga banal ay kanyang pinagpapala. |
|
| 34 |
|
| Ang mga palalo'y kanyang kinasusuklaman, ngunit kinaluluguran niya ang may mababang kalooban. |
|
| 35 |
|
| Ang taong matalino'y magkakamit-karangalan, ngunit puro kahihiyan ang aanihin ng mangmang. |
|
|
|
|