|
| 1 |
|
| Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina. |
|
| 2 |
|
| “Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin. |
|
| 3 |
|
| Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari. |
|
| 4 |
|
| Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin. |
|
| 5 |
|
| Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap. |
|
| 6 |
|
| Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan. |
|
| 7 |
|
| Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan. |
|
| 8 |
|
| “Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan. |
|
| 9 |
|
| Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.” |
|
| 10 |
|
| Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga. |
|
| 11 |
|
| Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya. |
|
| 12 |
|
| Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan. |
|
| 13 |
|
| Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana. |
|
| 14 |
|
| Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar. |
|
| 15 |
|
| Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay. |
|
| 16 |
|
| Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas. |
|
| 17 |
|
| Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw. |
|
| 18 |
|
| Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga. |
|
| 19 |
|
| Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit. |
|
| 20 |
|
| Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad. |
|
| 21 |
|
| Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan. |
|
| 22 |
|
| Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya. |
|
| 23 |
|
| Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan. |
|
| 24 |
|
| Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal. |
|
| 25 |
|
| Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal. |
|
| 26 |
|
| Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan. |
|
| 27 |
|
| Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw. |
|
| 28 |
|
| Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak: |
|
| 29 |
|
| “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.” |
|
| 30 |
|
| Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan. |
|
| 31 |
|
| Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan. |
|
|
|
|