|
| 1 |
|
| Dinggin ninyo, mga anak, ang turo ng inyong ama, sasainyo ang unawa kung laging diringgin siya. |
|
| 2 |
|
| Pagkat tiyak na mabuti itong aking sinasabi, kaya't aking mga katuruan huwag mong isantabi. |
|
| 3 |
|
| Noong ako ay bata pa, nasa kupkop pa ni ama, batambata, walang malay, tanging anak nga ni ina, |
|
| 4 |
|
| itinuro niya sa akin at kanyang sinabi, “Sa aking mga aral buong puso kang manangan, sundin mo ang aking utos at ikaw ay mabubuhay. |
|
| 5 |
|
| Salita ko'y huwag mong lilimutin o tatalikuran, ang pang-unawa at karunungan, sikaping makamtan. |
|
| 6 |
|
| Huwag mo itong pabayaan at ika'y kanyang iingatan, huwag mo siyang iiwanan at ika'y kanyang babantayan. |
|
| 7 |
|
| Unahin mo sa lahat, pagtuklas ng karunungan, ito'y pilitin mong matamo kahit gaano kamahal. |
|
| 8 |
|
| Karununga'y pahalagahan at ika'y kanyang itataas, bibigyan kang karangalan kapag iyong niyakap. |
|
| 9 |
|
| Siya'y korona sa ulo, sakdal ganda, anong inam, at putong ng kaluwalhatian sa iyong katauhan.” |
|
| 10 |
|
| Makinig ka, aking anak, payo ko ay tanggapin, lalawig ang iyong buhay, maraming taon ang bibilangin. |
|
| 11 |
|
| Ika'y pinatnubayan ko sa daan ng karunungan, itinuro ko sa iyo ang daan ng katuwiran. |
|
| 12 |
|
| Hindi ka matatalisod sa lahat ng iyong hakbang, magmabilis man ng lakad ay hindi ka mabubuwal. |
|
| 13 |
|
| Panghawakan mo nga ito at huwag pabayaan, ito ay ingatan mo pagkat siya'y iyong buhay. |
|
| 14 |
|
| Ang daan ng kasamaan ay huwag mong lalakaran, at ang buhay ng masama, huwag mo ngang tutularan. |
|
| 15 |
|
| Kasamaa'y iwasan mo, ni huwag lalapitan, bagkus nga ay talikuran mo, tuntunin ang tamang daan. |
|
| 16 |
|
| Sila'y hindi makatulog kapag di nakagawa ng masama, at hindi matahimik kapag nasa'y di nagawa. |
|
| 17 |
|
| Ang kanilang kinakain ay buhat sa kasamaan, ang kanilang iniinom ay bunga ng karahasan. |
|
| 18 |
|
| Ngunit ang daan ng matuwid, parang bukang-liwayway, tumitindi ang liwanag habang ito'y nagtatagal. |
|
| 19 |
|
| Ang daan ng masama'y pusikit na kadiliman, ni hindi niya makita kung saan siya nabubuwal. |
|
| 20 |
|
| Aking anak, salita ko ay pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. |
|
| 21 |
|
| Huwag itong babayaang mawala sa paningin, sa puso mo ay iukit nang mabuti at malalim. |
|
| 22 |
|
| Pagkat itong kaalaman ay daan ng buhay, nagbibigay kalusuga't kagalingan ng katawan. |
|
| 23 |
|
| Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay. |
|
| 24 |
|
| Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay, ilayo ang mga labi sa kasinungalingan. |
|
| 25 |
|
| Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw, ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan. |
|
| 26 |
|
| Siyasatin mong mabuti ang landas na lalakaran, sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay. |
|
| 27 |
|
| Huwag kang liliko sa kaliwa o sa kanan; humakbang nang papalayo sa lahat ng kasamaan. |
|
|
|
|