|
| 1 |
|
| Aking anak, karununga'y pakinggan mong mabuti, pakinig mo ay ikiling sa aking sinasabi. |
|
| 2 |
|
| Sa gayo'y magagawa mo ang mabuting pagpapasya, at ang bawat sabihin mo'y kaalaman ang ibabadya. |
|
| 3 |
|
| Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot, at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot. |
|
| 4 |
|
| Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog, hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod. |
|
| 5 |
|
| Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan, daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan. |
|
| 6 |
|
| Pagkat di niya siniyasat daang patungo sa buhay, ang daan niya'y liku-liko, ni hindi niya ito nalalaman. |
|
| 7 |
|
| Kaya nga, aking anak, sa akin ay makinig, huwag lilimutin, salita ng aking bibig. |
|
| 8 |
|
| Lumayo ka sa babaing masama ang pamumuhay, ni huwag kang lalapit sa pinto ng kanyang bahay. |
|
| 9 |
|
| Baka dangal mo'y sirain at angkinin pa ng iba, sa kamay ng masasama ay mamatay kang maaga. |
|
| 10 |
|
| Ang yaman mo'y uubusin ng taong di mo kilala, mga pinagpaguran mo, makikinabang ay iba. |
|
| 11 |
|
| Kung magkagayon, wakas mo ay anong saklap, walang matitira sa iyo kundi buto't balat. |
|
| 12 |
|
| Dito mo nga maiisip: “Dangan kasi'y di ko pansin ang kanilang pagtutuwid, puso ko ay nagmatigas, sinunod ang aking hilig. |
|
| 13 |
|
| Ang tinig ng aking guro ay hindi ko dininig, sa kanilang katuruan, inilayo ang pakinig. |
|
| 14 |
|
| At ngayon ay narito ang abâ kong kalagayan, isang kahihiyan sa ating lipunan.” |
|
| 15 |
|
| Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal, at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang. |
|
| 16 |
|
| Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa, walang buting idudulot, manapa nga ay balisa. |
|
| 17 |
|
| Anak mo'y dapat lumaki nang ikaw ay matulungan, upang hindi do'n sa iba iasa ang iyong buhay. |
|
| 18 |
|
| Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay, ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan. |
|
| 19 |
|
| Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit, ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib. |
|
| 20 |
|
| Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit, ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik. |
|
| 21 |
|
| Ang paningin ni Yahweh sa tao'y di iniaalis, laging nakasubaybay, bawat oras, bawat saglit. |
|
| 22 |
|
| Kasamaan ng isang tao ay bitag na nakaumang, siya ang magdurusa sa sariling kasalanan. |
|
| 23 |
|
| Pagkat walang pagpipigil, siya ay mamamatay at dahil sa kamangmangan, hantungan niya'y sa libingan. |
|
|
|
|