|
| 1 |
|
| Aking anak, salita ko sana ay ingatan, itanim sa isip at huwag kalimutan. |
|
| 2 |
|
| Ang utos ko ay sundin mo upang mabuhay nang matagal, turo ko'y pahalagahan tulad ng iyong mga mata. |
|
| 3 |
|
| Ito'y itali mo sa iyong mga kamay, at sikapin mong matanim sa iyong isipan. |
|
| 4 |
|
| Ang karunungan ay ituring mo na babaing kapatid, at ang pang-unawa nama'y kaibigang matalik. |
|
| 5 |
|
| Pagkat ito ang sa iyo'y maglalayo sa babaing mapangalunya, nang di ka mabighani ng matamis niyang pananalita. |
|
| 6 |
|
| Ako ay dumungaw sa bintanang bukás, at ako'y sumilip sa pagitan ng rehas, |
|
| 7 |
|
| ang aking nakita'y maraming kabataan, ngunit may napansin akong isang mangmang. |
|
| 8 |
|
| Naglalakad siya sa may panulukan, ang tinutungo'y sa babaing tahanan. |
|
| 9 |
|
| Tuwing sasapit ang gabi, ito'y kanyang ginagawa, sa lalim ng hatinggabi, kapag tulog na ang madla. |
|
| 10 |
|
| Ang babae ang sa kanya'y sumalubong sa pintuan, mapang-akit, mapanlinlang sa masagwang kasuotan. |
|
| 11 |
|
| Maingay ang kanyang boses, kilos niya ay maharot, di matigil sa tahanan, di mapigil sa paglibot. |
|
| 12 |
|
| Ngayo'y sa lansangan, maya-maya'y sa liwasan, walang anu-ano'y sa panulukan, doon siya nag-aabang. |
|
| 13 |
|
| Lalaki'y kanyang susunggaban at pupupugin ng halik, at ang kanyang sasabihing punung-puno ng pang-akit: |
|
| 14 |
|
| “Nasa amin ngayon ang marami kong mga handog, katatapos ko lang tupdin ang panata ko sa Diyos. |
|
| 15 |
|
| Ako ay narito upang ika'y salubungin, mabuti't nakita kita pagkatapos kong hanapin. |
|
| 16 |
|
| Ang aking higaa'y sinapnan ko nang makapal, linong buhat sa Egipto, iba't iba pa ang kulay. |
|
| 17 |
|
| Ito'y aking winisikan ng pabangong mira, bukod pa sa aloe at mabangong kanela. |
|
| 18 |
|
| Halika at bigyang daan, damdamin ng isa't isa, ang magdamag ay ubusin sa paglasap ng ligaya. |
|
| 19 |
|
| Ako ay nag-iisa, asawa ko'y nasa malayo, pagkat siya ay umalis sa ibang lugar nagtungo. |
|
| 20 |
|
| Marami ang baon niyang salapi, pagbilog pa ng buwan ang kanyang uwi.” |
|
| 21 |
|
| Sa salitang mapang-akit ang lalaki ay nahimok, sa matamis na salita, damdamin niya ay nahulog. |
|
| 22 |
|
| Maamo siyang sumunod sa babae at pumasok, parang bakang kakatayin, sa matador ay sumunod, mailap na usa, sa patibong ay nahulog, |
|
| 23 |
|
| hanggang sa puso nito ang palaso ay maglagos. Isang ibong napasok sa lambat ang kanyang nakakatulad, hindi niya namalayang buhay pala ang katumbas. |
|
| 24 |
|
| Kaya nga ba, aking anak, sa akin ay makinig, at dinggin mo ang salitang mula sa aking bibig. |
|
| 25 |
|
| Huwag mo ngang hahayaang ang puso mo ay maakit, ng babaing ang tuntunin ay landasing nakalihis, |
|
| 26 |
|
| sapagkat marami na ang kanyang naipahamak, at hindi na mabibilang, nabuwal sa kanyang yapak. |
|
| 27 |
|
| Sa bahay niya'y nagmumula ang landas ng kasawian, tiyak na patungo sa malagim na kamatayan. |
|
|
|
|