|
| 1 |
|
| Hindi mo ba naririnig ang tawag ng karunungan, at ang tinig ng unawa'y hindi pa ba napakinggan? |
|
| 2 |
|
| Nasa dako siyang mataas, sa tagpuan ng mga landas; |
|
| 3 |
|
| nasa mga pintuan siya, sa may harap nitong bayan, nakatindig sa pagpasok at ito ang kanyang sigaw: |
|
| 4 |
|
| “Kayo'y tinatawagan ko, tao ng sandaigdigan, para nga sa lahat itong aking panawagan. |
|
| 5 |
|
| Kayong walang nalalaman ay mag-aral na maingat, at kayong mga mangmang, pang-unawa ay ibukas. |
|
| 6 |
|
| Salita ko ay pakinggan pagkat ito'y mahalaga, bumubukal sa labi ko ay salitang magaganda. |
|
| 7 |
|
| Pawang katotohanan itong aking bibigkasin, at ako ay nasusuklam sa lahat ng sinungaling. |
|
| 8 |
|
| Itong sasabihin ko ay pawang matuwid, lahat ay totoo, wala akong pinilipit. |
|
| 9 |
|
| Ito ay maliwanag sa kanya na may unawa, at sa marurunong ito ay pawang tama. |
|
| 10 |
|
| Payo ko'y pahalagahan nang higit pa sa pilak, at ang dunong, sa ginto ay huwag sanang itutumbas. |
|
| 11 |
|
| “Pagkat akong karunungan ay mahigit pa sa hiyas, anumang kayamanan ay hindi maitutumbas. |
|
| 12 |
|
| Ako ay nagbibigay ng talas ng kaisipan, itinuturo ko ang landas ng hinaho't karunungan. |
|
| 13 |
|
| Ang paggalang at pagsunod kay Yahweh ay naglalayo sa kasamaan. Ako ay namumuhi sa lahat ng kalikuan, sa salitang baluktot, at sa diwang kayabangan. |
|
| 14 |
|
| Mayroon akong lakas at taglay na kakayahan, ganoon din naman, unawa't kapangyarihan. |
|
| 15 |
|
| Dahil sa akin, ang hari'y nakapamamahala, nagagawa ng mga pinuno ang utos na siyang tama. |
|
| 16 |
|
| Talino ng punong-bayan ay sa akin nagmumula, at ako rin ang dahilan, dangal nila't pagdakila. |
|
| 17 |
|
| Mahal ko silang lahat na sa aki'y nagmamahal, kapag hinanap ako nang masikap, tiyak na masusumpungan. |
|
| 18 |
|
| Ang yaman at karangalan ay aking tinataglay, kayamanang walang maliw, kasaganaan sa buhay. |
|
| 19 |
|
| Ang bunga ko ay higit pa sa gintong dinalisay, mataas pa kaysa pilak ang halagang tinataglay. |
|
| 20 |
|
| Ang landas kong dinaraanan, ay daan ng katuwiran, ang aking tinatahak, ay landas ng katarungan. |
|
| 21 |
|
| Ang sa aki'y nagmamahal binibigyan ko ng yaman, aking pinupuno ang kanilang mga sisidlan. |
|
| 22 |
|
| “Sa lahat ng nilikha ni Yahweh, ako ang siyang una, noong una pang panahon ako ay nalikha na. |
|
| 23 |
|
| Matagal nang panahon nang anyuan niya ako, bago pa nalikha at naanyo itong mundo. |
|
| 24 |
|
| Wala pa ang mga dagat nang ako'y lumitaw, wala pa ang mga bukal ng tubig na malilinaw. |
|
| 25 |
|
| Wala pa ang mga burol, ganoon din ang mga bundok, nang ako ay isilang dito sa sansinukob. |
|
| 26 |
|
| Ako muna ang nilikha bago ang lupa at bukid, nauna pa sa alabok, at sa lupang daigdig. |
|
| 27 |
|
| Nang likhain ang mga langit, ako ay naroroon na, maging nang ang hangganan ng langit at lupa'y italaga. |
|
| 28 |
|
| Naroon na rin ako nang ang ulap ay ilagay, at nang kanyang palitawin ang bukal sa kalaliman. |
|
| 29 |
|
| Nang ilagay niya ang hangganan nitong dagat, nang ang patibayan ng mundo ay ilagay at itatag, |
|
| 30 |
|
| ako'y lagi niyang kasama at katulong sa gawain, ako ay ligaya niya at sa akin siya'y aliw. |
|
| 31 |
|
| Ako ay nagdiwang, nang daigdig ay matapos, dahil sa sangkatauhan, ligaya ko ay nalubos. |
|
| 32 |
|
| “At ngayon, aking anak, ako nga ay pakinggan, sundin ang payo ko't liligaya ang iyong buhay. |
|
| 33 |
|
| Upang maging matalino, ang turo ko ay dinggin mo, huwag mong pababayaan ni lalayuan ito. |
|
| 34 |
|
| Mapalad ang taong sa akin ay nakikinig, sa akin ay nag-aabang at palaging nakatitig. |
|
| 35 |
|
| Pagkat ang makasumpong sa akin ay nakasumpong ng buhay, at ang kalooban ni Yahweh ay kanyang nakakamtan. |
|
| 36 |
|
| Ngunit ang di makasumpong sa akin, sarili ang sinasaktan, ang napopoot sa akin, iniibig ay kamatayan.” |
|
|
|
|