Magandang Balita Biblia
|
| 1 |
| Ito ang pahayag tungkol sa Moab: Noong gabing gibain ang Ar, gumuho na ang Moab, noong gabing wasakin ang Kir, bumagsak na ang Moab. |
| 2 |
| Umahon sa mga templo ang mga taga-Dibon, upang sa mga burol sila ay manangis; iniiyakan ng Moab ang Nebo at Medeba. Bawat isa sa kanila'y nagpakalbo at nag-ahit ng balbas dahil sa pagdadalamhati. |
| 3 |
| Lahat ay nagluluksa sa mga lansangan, nanaghoy sila sa mga bubungan ng bahay at sa mga liwasang-bayan. |
| 4 |
| Nananaghoy ang Hesbon at ang Eleale, dinig hanggang Jahaz ang kanilang iyakan, nasisindak pati mga mandirigma ng Moab, silang mga kawal, ngayo'y naduduwag. |
| 5 |
| Nahahabag ako sa Moab, nagsisitakas ang kanyang mamamayan patungo sa lupain ng Zoar, hanggang Eglat-selisiya. Lumuluha silang umahon sa gulod ng Luhit, humahagulgol sa daang patungo sa Horonaim, dahil sa kapahamakang kanilang sinapit. |
| 6 |
| Natuyo ang mga batis ng Nimrim, natuyo ang mga damo, natigang ang mga kaparangan, walang natirang sariwang halaman. |
| 7 |
| Kaya itinawid nila sa kabila ng Batis Herabim ang lahat nilang kayamanan at ari-arian. |
| 8 |
| Laganap sa buong Moab ang iyakan, abot sa Eglaim ang hagulgulan, dinig na dinig hanggang sa Beer-elim. |
| 9 |
| Pumula sa dugo ang mga batis ng Dibon; ngunit may iba pang sakunang inihanda ko para sa kanya: Papatayin ng leon ang lahat ng matitira sa Moab. |
| I-save ang Mga Tala |
https://beblia.bible:81/BibleAudio/tagalog2012/isaiah/015.mp3
66
15